Magpapatupad ang Mandaluyong City Government ng traffic rerouting scheme sa mga lugar na malapit sa mga sementeryo para sa darating na Undas, Nobyembre 1.

Ito’y upang matiyak na maayos ang daloy ng trapiko bunsod nang inaasahang pagdagsa ng mga mamamayan sa mga sementeryo upang bisitahin ang mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sa kanilang Facebook post, pinayuhan ng city government ang mga motoristang magtutungo sa Aglipay Cemetery (Garden of Life Park) na kung galing sa Ilino Cruz St. patungong Kalentong ay kumaliwa sa Rev. Aglipay St. hanggang sa kanilang destinasyon.

Ang lahat naman ng sasakyang mula sa Kalentong St. patungong Aglipay Cemetery at Paradise Cemetery ay dapat na dumaan sa Boni Avenue, kanan sa P. Cruz at kanan sa Parada St. hanggang sa kanilang destinasyon.

Ang lahat naman ng sasakyang mula sa Brgy. Namayan at Brgy. Mabini-J. Rizal na patungong Boni Avenue, City Hall, o Shaw Boulevard ay dapat na dumaan sa J. P. Rizal, sa pamamagitan ng Coronado St., kaliwa sa San Francisco St. hanggang sa kanilang destinasyon.

Nabatid na ang Ilino Cruz kanto ng Aglipay patungong Boni Avenue at P. Cruz kanto ng Parada patungong Aglipay ay magiging one way street muna.

Wala rin umanong sasakyang papayagang pumarada sa tapat ng sementeryo, maging east o westbound man.

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, ang mga tricycles ay hindi papayagang pumasok sa P. Cruz-Lerma Sts. hanggang sa Liberty Flour Mills.

Ang mga ito ay dapat na dumaan sa P. Cruz, kanan sa Canteras St., kaliwa sa Lerma St. at kaliwas sa P. Cruz St..

Ang mga tricycle naman na mula sa Coronado St. patungong Aglipay ay hindi rin pahihintulutang pumasok sa Saniboy-Aglipay.

Samantala, para naman sa Roman Catholic Cemetery (San Felipe Neri), ang lahat ng behikulong patungong Kalentong mula Boni Avenue, ay dapat na kumanan sa Ortigas St., kaliwa sa T. Bernardo St., diretso sa P. Gomez St., kaliwa sa A. Luna St., kanan sa Aglipay hanggang sa kanilang destinasyon.

Dagdag pa nito, ang lahat ng sasakyang tutungo sa Boni Avenue (eastbound) mula sa Kalentong ay dapat na gumamit ng westbound lane, sa tapat ng sementeryo, bago dumiretso sa Boni Avenue.

Anang lokal na pamahalaan, wala ring mga sasakyang papayagang pumasok sa Martinez St. at hindi rin pahihintulutan ang mga ito na pumarada sa tapat ng sementeryo (eastbound).