Show cause order vs SUV owner sa hit-and-run sa Makati, inilabas ng LTO
(LTO/FB)
Show cause order vs SUV owner sa hit-and-run sa Makati, inilabas ng LTO
Inilabas na ng Land Transportation Office (LTO) ang isang show cause order (SCO) laban sa may-ari ng sports utility vehicle (SUV) sangkot sa hit-and-run incident sa Makati City kamakailan.
Paliwanag ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, tumugon lamang ang ahensya sa kahilingan ng may-ari ng kotseng nabangga ng SUV na MG (Morris Garages) ZS na may plakang NIF-2282, malapit sa Ayala Tunnel sa Makati nitong Oktubre 3.
Sa Facebook post ng driver, sakay niya ang dalawang senior citizen at isang bata nang mabangga sila ng nasabing SUV.
Sa halip na tumigil at akuin ang insidente, kaagad na pinaharurot ng driver ang kanyang sasakyan.
Nahagip ng dashcam ang insidente.
“Tayo ay nagpapasalamat sa tiwala ng ating kababayan nung i-tag ang ating Facebook account sa kanyang social media post. In this regard, I have already instructed the LTO-National Capital Region headed by Regional Director Roque Verzosa III to conduct an immediate investigation into this incident,” sabi pa ni Mendoza.