Mga residente, pinag-iingat: Patay sa dengue sa QC, 6 na!
Pinag-iingat ng Quezon City government ang mga residente nito laban sa nakamamatay na dengue sa gitna ng pagtuloy na pagtaas ng kaso nito.
Sa pahayag ng QC Epidemiology and Surveillance Unit, nasa anim na ang naitalang nasawi sa sakit simula Enero hanggang Oktubre 21, 2023.
Sa nasabing kaso, tatlo ang naitala sa District 4, at tig-isa naman sa District 1, 2, at 6.
Umabot na rin sa 3,008 ang kaso nito sa lungsod--pinakamarami sa District 1 (642), pangalawa ang District 4 (611), pangatlo ang District 6 (582), pang-apat ang District 5 (467), pang-lima ang District 3 (380), at pang-anim naman ang District 3 (326).
Kaugnay nito, tulung-tulong na ang iba't ibang sangay ng pamahalaang lungsod upang matigil na ang paglaganap ng sakit.
Patuloy pa rin ang isinasagawang dengue case investigation ng Quezon City health office upang matukoy ang mga residenteng nakararanas ng mga sintomas ng sakit.