Naglabas ang Pasig City government ng ilang paalala at abiso sa publiko para sa nalalapit na Undas sa Nobyembre 1.

Sa isang paskil sa kanilang Facebook page, pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga mamamayan na iwasan ang pagdadala sa mga sementeryo, memorial park, o maging sa kolumbaryo, ng mga nakalalasing na inumin, baril at iba pang sandata, gayundin ng mga kagamitang makalilikha ng malakas na ingay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon pa sa city government, hindi rin pinapayagan ang pagsusugal sa loob ng mga sementeryo.

Pinayuhan din naman nito ang mga indibidwal na may nararanasang flu-like symptoms na manatili na lamang sa bahay at huwag nang pumunta sa mga sementeryo, upang maiwasang makahawa ng sakit.

Hinimok din ng lokal na pamahalaan ang publiko na magdala ng payong at iba pang panangga sa ulan at sikat ng araw.

Dapat din anilang tiyakin ng mga ito na may dala silang sapat na tubig at pagkain, sa pagtungo sa mga sementeryo.

Samantala, nagpalabas din ang Pasig City government ng iskedyul ng operasyon ng mga sementeryo sa lungsod.

Anito, ang Evergreen Cemetery na matatagpuan sa lungsod ay bukas ng 24-oras sa Oktubre 31 at Nobyembre 1 habang mula 6:00AM naman hanggang 6:00PM itong bukas sa Nobyembre 2 habang ang Pasig Catholic Cemetery naman ay magbubukas ng mula 6:00AM hanggang 10:00PM ng Oktubre 31 habang 24-oras ang operasyon nito sa Nobyembre 1 at mula 6:00AM hanggang 8:00PM namang bukas sa Nobyembre 2.

Ang Santolan Catholic Cemetery naman ay bukas mula 6:00AM hanggang 10:00PM sa Oktubre 31 habang 24-oras rin ang operasyon nito sa Nobyembre 1 at mula 6:00AM hanggang 8:00PM naman sa Nobyembre 2 habang ang Pasig City Cemetery (Barracks) naman bukas rin ng 24-oras sa Oktubre 31 at Nobyembre 1, habang mag-o-operate ito ng mula 6:00AM hanggang 10:00PM sa Nobyembre 2.

Ang Sta. Clara Mortuary naman ay bukas ng mula 6:00AM hanggang 7:00PM sa Oktubre 31 at Nobyembre 2, habang ang operasyon nito sa Nobyembre 1 ay mula 6:00AM hanggang 10:00PM lamang.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na nagtayo sila ng mga first aid tents at police desks malapit sa entrance ng mga sementeryo, memorial park, at kolumbaryo upang umasiste sa sinumang nangangailangan ng tulong.

Kaugnay nito, inabisuhan din ng lokal na pamahalaan ang mga motorista na ang C. Raymundo Avenue ay pansamantalang gagawing one way sa vehicular traffic (northbound) mula E. Angeles St. hanggang Mercedes Avenue, mula alas-2:00 ng hapon ng Oktubre 31, hanggang Nobyembre 1.

Pinayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na humanap ng alternatibong ruta upang makaiwas sa posibleng pagsisikip ng daloy ng trapiko.