Matagumpay na naidaos ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region nitong Huwebes, Oktubre 26, ang ikaapat na health caravan para sa Indigenous Peoples (IPs) na kilala bilang “Bagong Pilipinas Para Sa Mga Katutubo.”

Ang aktibidad, na may temang “Healthy Pilipinas: Bawat Buhay Mahalaga Katutubong Pilipino Kasama Ka,” ay isinagawa sa San Gariel, isang 4th class municipality sa La Union at tahanan ng mga tribu ng Kanakanaey, kung saan matatagpuan ang malaking bilang ng mga IPs sa lalawigan.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Regional Director Paula Paz Sydiongco ang lahat ng local government units (LGUs) at mga partner agencies dahil sa pagpapaabot ng suporta at pagtulong upang matagumpay na maidaos ang aktibidad.

“This initiative started last year as a small medical mission for IPs targeting those in GIDAs of Ilocos Sur, but with the support of our health partners and our LGUs, it has grown into a well-organized health activity that can provide more health services,” ayon kay Sydiongco. “Ang layunin namin ay maibigay ang mga kinakailangang serbisyong pangkalusugan at masigurado ang kalusugan ng ating mga katutubo at katuwang naming ang mga LGUs na sumisigurong nailalapit ang mga serbisyong ito sa lahat ng sulok ng komunidad.”

Hinikayat din naman ni Sydiongco ang lahat ng magulang na mag-avail ng bakuna para sa kanilang mga anak.

“Ang bakuna lamang po ang makapagbibigay ng proteksyon sa ating mga anak, kaya dalhin po natin sila sa ating mga health center upang mabakunahan,”  aniya pa.

Nabatid na ang health caravan ay nagkaloob ng check-ups/consultations, PhilPEN screening, dental services, ophthalmology services, hearing tests, minor surgery, cervical cancer screening, immunization services (HPV, flu vaccine), laboratory tests, family medicine, internal medicine at diagnostic services kabilang ang diabetic retinopathy screening.

Namigay rin sila ng reading glasses at kits para sa mental health, nutrition, at first aid.

Nag-turn over din ang ahensiya ng mga barangay health station packages na kinabibilangan ng dressing cart, minor surgical set, mechanical bed, spine board, EENT (eyes, ears, nose, tongue) diagnostic set, weighing scale na may BMI calculator, weighing scale para sa mga sanggol, fetal doppler at examining table, medicine cabinet, at instrument cabinet, sa mga Barangay ng Lipay Sur, Daking at Polipol.

Nag-alok din umano sila ng scholarships sa Allied Health Courses gaya ng pharmacy at medical technology sa mga eligible IP beneficiaries.

Bukod sa health services, pinagkalooban din ng regional office ng license to operate ang San Gabriel Rural Health Unit.

Laking pasalamat naman ni Governor Raphaelle Veronica David-Ortega sa regional office dahil sa paghahatid ng primary care services sa mga IPs ng La Union at pagtiyak na napapangalagaan ang kanilang pangangailangang pangkalusugan.

Ayon sa DOH, kabuuang 1,200 benepisyaryo ang nabigyan ng health at medical services sa nasabing aktibidad.

Nabatid na ang health caravan para sa IPs ay inilunsad sa Sison, Pangasinan; Nueva Era, Ilocos Norte, Salcedo sa Ilocos Sur at sa San Gabriel, La Union.

Ang “Bagong Pilipinas Para Sa Mga Katutubo” health caravan ay isinasagawa sa pamamagitan ng suporta ng lokal na pamahalaan ng San Gabriel, Provincial Government ng La Union, Provincial Health Office ng La Union, National Commission on Indigenous People, National Nutrition Council, Ilocos Training and Regional Medical Center, La Union Medical Society, Philippine Business for Social Progress, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Nurses Association – La Union Chapter, Philippine Pharmacists Association – La Union Chapter at ng Philippine Information Agency.