Inanunsiyo ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes na may mga job opportunities na naghihintay para sa mga Pinoy professionals at mga skilled workers sa bansang Austria.
Ang naturang magandang balita ay bunga ng kasunduang nilagdaan ng pamahalaan sa Republic of Austria hinggil sa recruitment ng mga Filipino professionals at skilled workers sa healthcare, information technology, tourism, at hospitality sectors.
Nabatid na ang naturang Memorandum of Understanding (MOU) ay nilagdaan mismo nina DMW Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac at State Secretary Susanne Kraus-Winkler ng Austrian Federal Ministry for Labor and Economy (BMAW).
Sa tulong ng MOU, mabibigyan na ng employment opportunities ang mga Pinoy ay natutugunan pa ang kakulangan sa skilled workers ng Austria.
Ayon kay Cacdac, “Through this agreement, we aim to facilitate the deployment of Filipino professionals and skilled workers to Austria in a manner that is safe, ethical, sustainable, and mutually beneficial. Our workers, in return, will contribute to addressing labor shortage in Austria and to sharing their expertise and commitment to the economic development of Austria.”
Aniya pa, sa ilalim ng kasunduan, nasa 500 manggagawang Pinoy ang ide-deploy taun-taon upang maabot ang demand ng Austria na nasa 75,000 hanggang 200,000 job openings sa lahat ng indutriya, kabilang ang sektor ng healthcare, construction at engineering, information technology, at tourism at hospitality.
“Austria is focusing on attracting skilled workers abroad. The Philippines is the first country which Austria has entered into a memorandum of understanding with that covers all areas of mutual cooperation on recruitment and vocational training. Austria has many decades of excellent experience with qualified workers from the Philippines, and we are truly grateful for the reliable support,” ayon naman kay BMAW State Secretary Susanne Kraus-Winkler.
Sinabi rin ni Cacdac na pinagtibay ng naturang partnership ang matagal nang pagkakaibigan, kooperasyon, at mutual respect sa pagitan ng Pilipinas at Austria, partikular na sa larangan ng labor and employment.
Tinitiyak din ng MOU ang proteksiyon ng mga karapatan at kapakanan ng mga Filipino migrant workers, at suporta habang sila ay sumasailalim sa skills assessment, education, at equivalence training at licensing sa Austria.
Nagkasundo rin ang DMW at BMAW na bumuo ng isang work-based vocational training framework at iba pang technical capacity-building initiatives para i-upgrade ang skills at expertise ng mga Filipino workers.
Kapwa nangako ang Pilipinas at Austria na magtutulungang mabuti upang sugpuin ang illegal recruitment at human trafficking, gayundin ay tiyakin ang sapat na access sa legal assistance at social protection para sa OFWs.
Batay sa CY 2022 data ng DMW, mayroong 5,824 OFWs sa Austria kabilang ang 1,220 na nasa hospitality at food service category at 749 sa health at social work service sector.