Kakasa ba ang natitira mong tapang para tahakin ang mga lugar na nababalot ng kababalaghan?
Sa paparating na Undas, subukan ang iyong katatagan at pasukin ang sampung mga destinasyon sa bansa, kung saan nagpaparamdam ang mga umano’y hindi pa rin matahimik na mga kaluluwa.
1. Fort Santiago
Matatagpuan sa Intramuros, ang Fort Santiago ay naging isang kuta ng mga militar ng Espanya noong 1571 hanggang 1898. Tinirhan ito ng maraming mga Pilipino at Amerikanong bilanggo noong Spanish Colonial Period at World War II mula 1939 hanggang 1945. Nagsilbi rin itong punong tanggapan ng mga hukbo ng mga British (1762-1764), Amerikano (1898-1946), at Hapones (1942-1945).
Humigit-kumulang 600 bilanggo at sundalo rin umano ang natagpuang patay sa loob ng mga piitan pagkatapos ng World War II.
Sa paglipas ng panahon mula nang maganap ang madugong pangyayari sa Fort Santiago, mayroon nang mga kababalaghang nararamdaman sa lugar hanggang sa kasalukuyan, kabilang na ang mga yabag, hiyawan, at mga nagmumultong mga sundalo na namatay sa lugar.
2. Bahay na Pula
Matatagpuan sa San Ildefonso, Bulacan, ang bahay na tinawag na “Bahay na Pula” ay napuno rin ng malagim na nakaraan.
Nang sakupin ng mga Hapon ang Pilipinas, ilang kababaihan na tinawag na “comfort women” ang isinilid sa Bahay na Pula upang pagsamantalahan. Ilang mga pagpatay rin ang nangyari sa naturang bahay.
Pagkatapos ng malagim na pangyayari, ilang mga kababalaghan na umano ang nararamdaman sa Bahay na Pula, tulad ng nagpaparamdam umanong white lady at mga sigaw ng tila mga pinahihirapan.
Samantala, hanggang ngayo’y naghahanap pa rin ng hustisya ang mga lola na ngayon na naging biktima sa naturang Bahay na Pula.
3. Diplomat Hotel
Matatagpuan sa Baguio City, ang Diplomat Hotel ay orihinal na isang retreat house para sa Dominikanong mga pari at madre mula noong 1915.
Nang dumating ang World War II, sinakop ng mga Hapon ang naturang gusali kung saan naganap umano ang madugong pangyayari ng pagpapahirap, panggagahasa, at pagpatay.
Matapos ang ikalawang digmaan, ginawang hotel ang gusali at mula noon, kumalat ang mga balita tungkol sa mga nakikita umano ng mga taong nagpupunta doon na white lady, walang ulong pari, at iba pang uri ng kababalaghan.
4. Clark Air Base Hospital
Matatagpuan sa Angeles City, Pampanga, nagsilbing tirahan ng mga sugatang Amerikanong sundalo noong World War II ang abandonadong ospital ng Clark Air Base.
Marami umano ang namatay sa naturang lugar, kaya’t pinaniniwalaan itong pinamamahayan ng mga espiritu at hindi matahimik na mga kaluluwa na tila hindi pa natatanggap na patay na sila.
Hanggang ngayon, may mga naiuulat pa rin umanong kababalaghan sa naturang abandonadong ospital, katulad na lamang ng mga umiiyak na bata at nagpaparamdam na mga sundalong sumisigaw.
5. Manila Film Center
Matatagpuan sa Pasay City, ang pagtatayo ng Manila Film Center ay minadali umano ni dating First Lady Imelda Marcos para sa 1st Manila International Film Festival noong Enero 1982.
Dahil dito, 4,000 mga manggagawa ang nagtrabaho upang mapadali ang Manila Film Center. Samantala, Nobyembre 17, 1981 nang gumuho ang gusali, dahilan kaya’t naipit ang daan-daang mga trabahador, kung saan nailibing pa umano nang buhay ang iba sa mga ito.
Mula noon, ilang mga kababalaghan na ang napabalita sa lugar, kasama na ang ilang mga hiyaw at pag-iyak ng mga kaluluwang naghirap at nasawi nang mangyari ang trahedya.
6. Herrera Mansion (Tiaong Stone House)
Matatagpuan sa Tiaong, Quezon, dinisenyuhan ng kilalang architect na si Tomas Mapua ang Herrera Mansion o Tiaong Stone House noong 1920s. Ito ang tinaguriang pinakamatandang bahay sa lugar.
Dinisenyo umano ang sculptural fountain ng Herrera Mansion sa tauhan ni Jose Rizal na si Elias na nakipagbuno sa buwaya sa Noli Me Tangere, upang bigyang-pugay ang bayani. Samantala, nasira ang stone structure ng bahay sa pagsiklab ng World War II dahil sa mga bomba ng mga Hapon.
Sa paglipas ng panahon, kumalat ang mga kuwento ng kababalaghan sa Herrera Mansion, katulad na lamang ng walang ulong sundalo at matandang mag-asawang multo.
7. San Juan de Dios Church
Makikita sa San Rafael, Bulacan, ang San Juan de Dios Church ay nabalot din ng madugong kasaysayan. Pinaniniwalaang dito aktwal na naganap ang ilang pangyayari sa nobelang “Noli Me Tangere” ng bayaning si Jose Rizal, partikular na umano ang tungkol sa sinapit ng magkapatid na sina Crispin at Basilio.
Samantala, taong 1896 nang sumiklab ang pinakamadugong labanan sa kasaysayan ng San Rafael. Sa pangunguna ng bayaning si General Anacleto Enriquez, ginawang taguan ng daan-daang katipunero ang simbahan, ngunit natuklasan sila ng mga katunggaling mananakop na Kastila. Matapos ang labanan, humigit-kumulang 800 katao umano ang namatay, kabilang ang 20 taong gulang na heneral, dahilan kaya’t umabot sa bukong-bukong ang dugo sa simbahan.
Mula noon, may mga napabalita nang mga nakakita ng nakaluhod na madre, naglalakad na mga kaluluwa, at mga multong bata na naglalaro sa San Juan de Dios Church.
8. Laperal White House
Matatagpuan sa Baguio City, itinayo ang Laperal White House, na pagmamay-ari ng Laperal clan, noong 1920s.
Sa pagsiklab ng World War II, ginawa umanong garison ng mga sundalong Hapon ang bahay kung saan naganap ang pagpapahirap at pagpaslang sa mga Pilipinong inakusahang mga espiya ng mga Amerikano.
Mula noon, may ilang mga ulat na ng kababalaghan sa Laperal White House, tulad ng isa umanong babaeng nakaputi na nananahan sa bahay.
9. Carcar City Museum
Matatagpuan sa Carcar City, Cebu, ang Carcar City Museum na orihinal na itinatag noong 1929 ay binubuo ng dalawang palapag na gusali, kung makikita umano ang mga bagay na sumasalamin din sa kultura ng lungsod. Ngunit bago pa man naging museo ang gusali noong 2008, minsan din daw itong naging clinic.
Noong World War II, nagsilbi umanong torture facility ang gusali kung saan nilulunod pa sa swimming pool hanggang sa mamatay ang mga Pilipinong pinaghihinalaang mga tagasuporta ng mga gerilya upang makakuha ng impormasyon sa mga ito.
Mula noon, may mga tao sa lugar na nakararamdam na umano ng iba’t ibang uri ng kababalaghan sa gusali, tulad na lamang ng isang babaeng nakaitim, nagmumultong batang lalaki na tumatakbo at naglalaro sa swimming pool, tinig na tila humihingi ng tulong, at tubig na awtomatikong patuloy na umaagos mula sa gripo.
10. Corregidor Island
Maging ang Corregidor Island ay nabalot din ng hindi magandang karanasan noong World War II. Nagkaroon ito ng mahalagang papel sa pagsisikap ng Pilipinas na itaboy ang mga Hapon.
Nagsilbi rin umanong ospital ang Malinta Tunnel ng Corregidor Island para sa mga sundalong Amerikano at Pilipino na nasusugatan sa giyera. Dahil dito, ilang mga tao ang namatay sa naturang lugar.
Matapos nito, may ilang mga kuwento na ng mga bumibisita sa lugar na nakararamdam ng mga kababalaghan, tulad na lamang umano ng anino, mga kakaibang ingay, at tila halinghing ng mga taong napahirapan at nasawi sa lugar.