Ipinabatid ni Vice President Sara Duterte ang courtesy call sa kaniya ni Ilan Fluss, Ambassador ng State of Israel para sa Pilipinas, na tinanggap daw niya sa tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City, ayon sa kaniyang Facebook post nitong Oktubre 25, 2023.
"Tinanggap natin sa opisina ng Department of Education si His Excellency Ilan Fluss, Ambassador ng State of Israel sa ating bansa noong isang araw," aniya.
Nagpaabot daw ng pakikidalamhati ang pangalawang pangulo at kalihim ng DepEd sa lahat ng mga nasawi sa patuloy na pagtutunggali sa pagitan ng Israel at Hamas.
"Pinasalamatan ko rin sila sa pagkilala sa katapangan ng ating mga kababayang Pilipino na nasawi at sa tulong na pinaaabot ng kanilang pamahalaan sa mga naiwang pamilya na halos mga 'breadwinners' nila," anang Duterte.
"Patuloy tayong sumuporta para sa mapayapang solusyon na makakatulong sa pangmatagalang kapayapaan dahil ang pangunahing biktima ay ang mga inosenteng sibilyan lalo na ang mga bata."
Ibinahagi VP Sara ang lagom ng kanilang napag-usapan nang sila ay magkita.
"Sa larangan ng edukasyon, napag-usapan namin ang patuloy na pagtutulungan at kolaborasyon sa pagitan ng Pilipinas at Israel. Nilalayon ng pag-uusap na ito na suportahan ang mga repormang ating sinusulong sa Kagawaran para sa isang Matatag na bansa."
"Mga kababayan, patuloy tayo maging MATATAG sa pagtaguyod ng isang Bansang Makabata at mga Batang Makabansa.
Ang lahat para sa Diyos, Bayan at Pamilyang Pilipino."
"Shukran," aniya pa.