Tiniyak ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na kasado na ang kanilang ‘Oplan Biyaheng Ayos’ bilang paghahanda sa pagdaraos ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at ng Undas.

Sa anunsiyo nitong Martes, Oktubre 24, sinabi ng pamunuan ng MRT-3 na mas pinaigting pa nila ang seguridad sa buong linya, alinsunod na rin sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr) na tiyaking sapat at ligtas ang pampublikong transportasyon sa eleksyong idaraos sa Oktubre 30, gayundin sa panahon ng Undas sa Nobyembre 1 at 2, kung kailan inaasahang maraming tao ang magtutungo at dadagsa sa mga sementeryo upang bisitahin ang mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

“Sinimulan na po natin ang pagpapairal ng mas mahigpit na seguridad sa MRT-3 upang matiyak ang tuloy-tuloy at ligtas na biyahe ng mga pasahero sa eleksyon at Undas,” ayon kay DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette B. Aquino, na siya ring Officer-in-Charge ng MRT-3.

Dagdag pa ni Aquino, “Gayundin po, mayroon po tayong sapat na bilang ng mga kawani na handang umagapay sa mga pasahero at aksyunan ang kanilang mga hinaing kung kinakailangan."

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tuloy-tuloy rin aniya ang maayos na pangangalaga nila sa kanilang mga bagon at ang pagde-deploy ng sapat na bilang ng mga tren upang mapagserbisyuhan ang mga pasahero lalo na sa kasagsagan ng barangay at SK elections at Undas.

Sinabi ni Aquino na sa kasalukuyan ay mayroong 18 train sets na tumatakbo sa linya tuwing peak hours at nasa tatlo hanggang apat naman ang spare trains.

Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon City at sa Taft Avenue, Pasay City.