Hinikayat ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa ang publiko na magsuot ng face mask at magpabakuna kontra flu, kasunod na rin ng tumataas na bilang ng mga kaso ng influenza-like illness (ILI).
Batay sa datos ng DOH, nabatid na hanggang noong Oktubre 13, 2023, nasa 151,375 ILI cases na ang naitala sa bansa.
Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang 104,613 kaso lamang sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Sa isang televised public briefing naman nitong Martes, Oktubre 24, binigyang-diin ni Herbosa na mahalagang proteksyunan ang sarili sa ganitong mga panahon na maraming kumakalat na sakit.
Hinimok din niya ang mga taong may respiratory illnesses, gaya ng ubo, sipon, at pananakit ng lalamunan, na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan upang hindi na umano makahawa ng ibang tao.
Tiniyak din Herbosa na kasalukuyan nang mino-monitor ng Epidemiology Bureau (EB) ang dumaraming kaso ng ILI, na karaniwan aniyang nagaganap sa panahon ng tag-ulan at sa mga buwan kung saan malamig ang panahon.
“So, reminder to everyone…get the flu shot. We have flu shots at the Department of Health. If you are high-risk, especially elderly and senior citizens, magpa-flu shot kayo,” ani Herbosa.
“Things we learned during COVID i-practice lang natin. Wear a mask also—masking again if you have cough, colds, or respiratory illness,” dagdag pa niya.