Nasa 120 Pinoy pang naiipit ngayon sa gulong nagaganap sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas, ang nagpahayag na ng kagustuhang makauwi ng Pilipinas.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac, humingi ang mga ito ng tulong sa pamahalaan para mai-repatriate na sa lalong madaling panahon at makapiling ang kani-kanilang pamilya.

Tiniyak naman ni Cacdac na sa kasalukuyan ay ipinuproseso na nila ang repatriation ng mga ito.

Aniya, kinukontak na nila ang mga ito upang tiyakin kung talagang desidido na talaga ang mga ito na bumalik ng bansa.

Internasyonal

Pinay tourist sa Taiwan, nabangga ng tren habang nagpipicture

Inaalam rin aniya nila kung tapos na ang kontrata ng mga ito upang hindi magkaproblema sa kanilang mga employer.

“When I say process, tinatawagan ng pangalawa at tatlong beses at sinisiguro na gusto nilang makauwi. Pangalawa, sinisiguro natin na…finished contract. So talagang scheduled na talaga umuwi, nadatnan lang ng mga pangyayari,” paliwanag ni Cacdac, sa panayam sa radyo.

Dagdag pa niya, “‘Yung iba, sinisigurado natin na…maayos ang paghihiwalay with their employers at hindi may lamat o may samaan ng loob o abandonment ng trabaho.”

Matatandaang nasa 60 Pinoy na ang nai-repatriate sa bansa matapos na sumiklab ang giyera sa Israel habang apat naman ang kumpirmadong nasawi na naiuwi na rin sa Pilipinas.