Isinusulong ngayon ni House Deputy Majority Floor Leader at ACT-CIS Cong. Erwin Tulfo ang pagtatatag ng National Cyber Security Office, kasunod na rin ng serye ng mga pag-atake ng mga hackers sa mga computer data system at websites ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Nanawagan si Tulfo sa pamahalaan nitong Linggo upang magtatag na ng isang ahensya para protektahan at labanan ang anumang pag-atake ng mga hackers, o mas malala pa, ng mga cyber terrorists, sa mga computer at data systems sa bansa.
“Nakita na natin kung gaano ka vulnerable at helpless ang mga ahensya natin sa pag-atake ng mga hacker sa mga websites o mga computer files ng mga government agencies natin,” ani Tulfo. “Bagamat naayos naman ang problema after a few days, we want sana na ma-prevent ang mga problemang ito bago pa ang mga pag-atake ng mga hackers na ito.”
Ayon pa sa mambabatas, maraming bansa na ang nagtatatag ng cyber security agency dahil online o digital na ang halos lahat ng transaksiyon pati ang komunikasyon sa buong mundo.
Para kay Tulfo, ang itatatag na cyber security office o agency ay dapat na may kakayahan na pangalagaan at protektahan ang mga digital files ng gobyerno laban sa mga pag-atake ng mga ordinaryong hackers at posibleng cyber terrorists.
“Surveillance and intelligence gathering, monitoring at quick damage control and retrieval of lost or stolen data or files ang magiging pangunahing trabaho ng naturang ahensya,” ayon pa sa mambabatas.
Dagdag pa niya, “kasama rin ang pag-identify ng mga hackers at cyber syndicates at terrorists”.
“No digital file is safe anymore sa mga professional hackers ngayon, kaya we need someone to protect our nation from this new threat,” aniya pa.
Giit niya, ang nangyari sa isang bangko at isang e-wallet company na napasok ng mga hacker, ilang buwan na ang nakakaraan, ay dapat na magsilbing paalala na nasa sa cyber space na rin ang mga sindikato.
Plano rin naman ni Tulfo na maghain ng isang panukalang batas para sa pagtatatag ng isang ahensya na labanan ang problemang ito at protektahan ang mga tao sa anumang cyberattack.
Matatandaang una nang inatake ng mga hackers sa mga computer data system at websites ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Information, Communication and Technology (DICT) at maging ng House of Representatives.
Maki-Balita: Website ng Kamara, inatake ng hackers