Tila certified “plantita” na si Vice President Sara Duterte matapos niyang ibahagi ang kaniyang naging pamimili ng mga halaman sa Quezon City Memorial Circle kamakailan.

Sa isang Facebook post nitong Linggo, Oktubre 22, ibinahagi ni Duterte na nagdesisyon siyang maglagay ng maraming halaman sa loob ng kanilang bahay para mabigyan umano ito ng “vibe” na parang nasa gubat.

“Hindi lang pampaganda, nakakatulong din ang mga halaman sa paglinis ng hangin sa pamamagitan ng paggawa ng oxygen,” ani Duterte.

Sinabi rin ng bise presidente na sa QC Memorial Circle daw siya nagpunta para mamili ng mga halaman dahil marami umano siyang napanood na vlogs na nagrerekomenda rito.

Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa

“Isa sa mga nabili ko ay snake plant dahil matibay ito at hindi nangangailangan ng sobrang init. Maganda rin itong ilagay sa loob ng kwarto at banyo,” saad ni Duterte.

“Nagpapasalamat din ako sa isang kaibigan ko na may negosyo na mga halaman dahil binigyan niya ako ng malalaking palmera. Naalala ko tuloy ang bahay ni Lola Soling na puno rin ng mga ganitong halaman sa kanyang balcony,” dagdag pa niya.

Ang tinutukoy ng bise presidente na kaniyang “Lola Soling” ay si Soledad Duterte, ang ina ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

“Ngayon, parang mala-gubat na ang vibe ng sala, at masarap ang pakiramdam na napapaligiran ng berdeng halaman,” saad pa ng bise presidente.