Ipinahayag ni United States (US) Ambassador to the Philippines Marykay Carlson na kinokondena ng kanilang bansa ang nangyaring pag-atake ng China sa resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal nitong Linggo, Oktubre 22.

Sa isang X post, sinabi rin ni Carlson na nakikiisa ang US sa pagpoprotekta sa soberanya ng Pilipinas.

“The United States condemns PRC’s latest disruption of a legal Philippine resupply mission to Ayungin Shoal, putting the lives of Filipino service members at risk,” pahayag ni Carlson.

“We stand with our #FriendsPartnersAllies in protecting (the Philippine) sovereignty and in support of a #FreeAndOpenIndoPacific,” dagdag pa niya.

Chinese vessel, bumangga sa resupply boat ng AFP sa Ayungin Shoal

Matatandaang nito ring Linggo nang kumpirmahin ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na bumangga ang barko ng China Coast Guard (CCG) sa Armed Forces of the Philippines (AFP)-contracted indigenous resupply boat na Unaiza May 2 (UM2) na nagsasagawa umano ng rotation and resupply (RORE) mission sa BRP Sierra Madre.

Bukod dito, sinabi rin ng NTF-WPS na sa parehong RORE mission ay bumangga rin umano ang Chinese Maritime Militia vessel 00003 (CMMV 00003) sa port side ng Philippine Coast Guard (PCG) na MRRV 4409 habang nasa humigit-kumulang 6.4 nautical miles ito sa hilagang-silangan ng Ayungin Shoal.