Hinamon ni Vice President Sara Duterte si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na sumali sa kanilang pamumundok sa Mt. Apo at tumulong sa paglilinis doon.
Sinabi ito ng bise presidente matapos niyang ibahagi sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Oktubre 21, na apat na beses na raw siyang nakaakyat sa Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa.
Ayon kay Duterte, pinakahuling beses daw na nakaakyat siya sa nasabing bundok ay noong Mayo 2023.
“Isa itong hamon lalo na't may ubo ako noon. Mas matagal ang aming pag-akyat dahil sa madalas na pahinga. Nag-umpisa kami ng 5:00 AM at nakaabot sa tuktok ng 7:00 PM. Lalo itong naging mahirap dahil sa kakulangan ng ilaw sa gabi at sa lamig na halos katulad na ng temperatura tuwing winter,” kuwento ni Duterte.
“Nakakalungkot dahil nakapulot din ako ng maraming non-biodegradable wastes sa daanan,” dagdag pa niya.
Nagbigay rin ang bise presidente ng paalala para umano sa mga nais umakyat ng bundok.
“Para sa mga nais mag-hike, may dalawa akong paalala: una, ihanda ang pisikal na katawan sa pamamagitan ng stretching at brisk walking; at pangalawa, wag mag-iwan ng basura, lalo na ang plastic, sa bundok,” saad niya
Kaugnay nito, ibinahagi ni Duterte na napag-usapan daw nila kamakailan ni Dela Rosa na akyatin ang Mt. Apo sa darating na holiday sa Undas.
“Pero dahil sa nagbago ko na schedule, nasabi ko na sa Luzon nalang kami mag-tandem hike sa susunod na walang pasok,” aniya.
“Hinahamon ko si Sen. Bato na sumali sa ‘Love Mt. Apo’ hike at mag-ambag din sa paglinis ng mga trails. Excited kami sa iyong Mt. Apo vlog, Sen. Bato! 😉,” saad pa ni Duterte.