Nagpasalamat si E.A.T. host Joey de Leon sa “legit dabarkads” na hindi umano nawawalan ng ganang panoorin ang kanilang noontime show sa loob ng mahabang panahon.
Sa kaniyang Instagram post nitong Huwebes, Oktubre 19, nagbahagi si Joey ng isang larawan kung saan kasama niya ang kapwa hosts ng E.A.T.
“Sa mga nakasama namin sa humigit-kumulang na LABINLIMANG LIBONG PAGTATANGHALIAN mula kay Constancia hanggang kay Atasha, mula sa Cantina hanggang sa Bilog na Pula, maraming salamat po at hindi kayo nawalan ng gana! 🎈🎈🎈🎈🎈,” ani Joey sa naturang post.
Matatandaang taong 1979 nang magsimulang umere ang Eat Bulaga kung saan sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey (TVJ) ang nagsilbing main hosts nito.
Samantala, noong Mayo 31, 2023, nang magpaalam ang TVJ sa GMA Network matapos nilang kumalas sa producer ng show na TAPE, Incorporated.
Pagkatapos nito, lumipat naman ang TVJ kasama ang kanilang co-hosts sa TV5 at binuo ang noontime show na “E.A.T.” habang nagpapatuloy sa pag-ere ang Eat Bulaga sa GMA Network kasama ang bagong hosts nito.
Kaugnay nito, dumaraan pa sa legal na usapin ang tungkol sa titulong “Eat Bulaga” dahil, ayon kay Joey, siya raw mismo ang nag-isip ng titulo noong sinisimulan nila ang pagbuo rito noong 1979.
Bukod naman sa naturang usapin, wala pang pahayag si Joey hinggil sa panibago niyang kinasasangkutang isyu hinggil sa joke niyang “lubid” sa segment na “Gimme 5.”
https://balita.net.ph/2023/09/24/lala-sotto-muling-kinalampag-dahil-sa-lubid-na-banat-ni-joey-de-leon-sa-e-a-t/