Pormal nang umarangkada nitong Huwebes, Oktubre 19, ang panahon ng kampanyahan para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), ang campaign period ay magtatagal lamang ng 10 araw o hanggang sa Oktubre 28.

Mahigpit naman ang paalala ng Comelec sa mga kandidato na tiyaking tumatalima sila sa mga panuntunang ipinatutupad ng poll body sa pangangampanya upang makaiwas sa kaso at posibleng diskuwalipikasyon sa eleksiyon.

Hindi na rin anila papayagan pa ang pangangampanya simula sa Oktubre 29, na bisperas ng eleksiyon, gayundin sa mismong election day sa Oktubre 30.

Magpapatupad na rin ang Comelec ng liquor ban mula Oktubre 29 hanggang 30, alinsunod sa Comelec Resolution 10924.

Ang 2023 BSKE ay idaraos mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.