Kinuwestiyon ni Senador Cynthia Villar ang P10 bilyong budget para sa planong importasyon ng inorganic fertilizer ng Department of Agriculture (DA).

Sa isinagawang hearing ng Senate Finance subcommittee para sa budget ng DA nitong Martes, Oktubre 17, kinuwestiyon ni Villar ang P10 bilyong budget para sa importasyon ng inorganic fertilizer.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

“Gigil na gigil ako dun sa P10-billion budget for importation of inorganic fertilizer. Hindi ko ma-imagine na gagasta tayo ng P10-billion for inorganic fertilizer na masama naman sa soil natin,” ani Villar.

Binigyang-diin ng senador na may masamang epekto ang mga inorganic fertilizers sa lupa.

“Ang dami dami nating basura—kitchen and garden waste comprise 50 percent of our waste. Nagkalat lang yan,” ayon pa sa Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform chairperson.

Hinimok ng senadora ang gobyerno na mamuhunan ng composting machine kagaya ng kaniyang ginawa sa Las Piñas City na kung saan nakagawa sila ng organic fertilizers at ipinamigay nang libre sa mga magsasaka.

Dahil dito, nakakatipid sila ng P300 milyon kada taon sa waste management dahil pagre-recycle nila umano ng basura.

“Kaya ako gusto kong gawin ‘yan sa lahat ng bayan sa Pilipinas. Kaya panay ang pakiusap ko na imbis bilhin natin ang chemical fertilizers na lahat iniimport natin kasi the only chemical fertilizer company dito sa Pilipinas, sinira ng (Bagyong) Yolanda. Kaya lahat imported,” ani Villar.

“Imbes na mag-import, eh ‘di linisin na lang natin yung ating kitchen and garden waste. Gawin nating organic fertilizer at libre sa mga farmers natin,” saad niya pa.

Pinatutsadahan din ni Villar ang Bureau of Soil and Water Management dahil ayaw raw nitong mamuhunan ng composting machines.

“Gusto kong dumating ang araw na wala na tayong import na chemical fertilizer gusto ko manggaling sa ating kitchen and garden waste. Kaya binibigyan ko ng pera itong Bureau of Soil and Water Management para mamigay sila ng composting machine. May supplier naman na magtuturo eh. Willing naman sila magturo kung paano gagamitin ‘yung composting machine,” aniya.

“Bakit ayaw niyo? Itigil ko daw. Gigil na gigil ako roon sa P10-billion. Kasi hindi naman kailangan ‘yun eh at mas maganda pa ang soil… Aba eh 10 billion, nasa-shock ako sa P10 billion para sa importation ng fertilizer? Nasa-shock ako doon. Tinotolerate ko kayo doon, but ano lang ‘yun, temporary lang ‘yun. ‘Yung importation natin is temporary. We used that to cover ‘yung shortage natin but the permanent solution would be that we produce our own,” paliwanag ni Villar.

“…Bakit tayo mag-i-import? Ba’t hindi natin bilhin ‘yung ating sarili para nabibigyan natin ng trabaho ‘yung kapwa natin Pilipino na naghihirap?

“Alam mo nung araw tayo pinakasikat pero ngayon talong-talo na tayo. ‘Yung mga articles na nare-read ko talo na tayo ng Vietnam, talo na tayo ng Thailand, talo na tayo ng Indonesia.

“Bakit? Bobo ba tayo na tatalunin tayo ng lahat, ha? O mahilig lang tayo mag-import kaya hindi natin nade-develop ‘yung ating sarili?” patutsada ni Villar sa Bureau of Soil and Water Management.

“… Binibigyan kita ng P2-billion, ayaw mo? Para mamigay ka ng composting machine, ayaw mo? Lahat sila nanghihingi sa akin ng pera ikaw lang ang binibigyan ko. Kasi gusto ko matanggal yung P10-billion para sa pag-import ng chemical fertilizers nanggigil ako doon eh. Kaya binibigay ko ‘yun sayo eh tapos nagrereklamo ka pa na stop daw muna? Ano yan?” dagdag pa ng senador.

Ang panukalang budget ng DA sa susunod na taon ay umaabot sa P167.458 bilyon.