Inilunsad ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang kanilang programang “Thank You Self”, na isang vlog making contest para sa elementary at high school students sa Anda, Pangasinan, upang isulong ang mental health at healthy behaviors sa mga kabataan, bilang pagdiriwang ng Mental Health Awareness Month ngayong Oktubre.
Ang naturang contest, na may temang “Mental Health is a Universal Human Right,” ay isang online campaign para sa mga local children at teenagers na nagpapakita ng mga self-care practices.
Matagumpay itong naisagawa nitong Miyerkules sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) ng Pangasinan at ng Local Government Unit ng Anda.
Sa awarding ceremony na ginanap sa Anda Gymnasium, sinabi ni DOH- Ilocos Region Local Health Support Division Chief Jimuel S. Cardenas, na nagsilbing guest of honor, na ang pagkatuto hinggil sa mental health sa paaralan ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon upang maunawaan ang kanilang sarili at matukoy kung paano nila masusuportahan ang kanilang mga kakilala at kaibigan.
“Sa bilis ng pagbabago ng panahon kasabay ng teknolohiya na may malaking impluwensya sa kalusugan at kapakanan ng ating mga kabataan at ito ay kinakailangan nating bantayan dahil kadalasan ay nakakaapekto ito sa pagpapaunlad ng kanilang kaisipan,” ani Cardenas.
Paliwanag pa niya, “Adolescents absorbed in social media apps forgets the importance of social interactions which sometimes lead to low self-esteem and low self-confidence that may possibly contribute to depression. Napakaimportante na sa murang edad ay magabayan natin sila at maturuan sa kahalagahan ng pagkakaroon ng isang malusog na kaisipan at kung paano ito mapangangalaggan.”
Pinasalamatan din naman ni Cardenas ang suporta ng Anda LGU sa aktibidad at hinikayat ang mga magulang, mga guro at mga local health leaders na i-sustain ang kanilang kampanya sa mental health awareness.
“Malaki po ang maitutulong natin sa ating mga kabataan, you can teach them in recognizing the symptoms of anxiety and depression, getting them to understand the importance of self-care and mental well-being so that we can help reduce the stigma associated with having mental health problems.”
Nabatid na ang “Thank You Self” online vlog making contest ay nilahukan ng 16 na contestants mula sa iba’t ibang paaralan sa lokalidad, kabilang ang apat na elementary at 12 high school students na nagsumite ng kanilang video entries, at ipinaskil sa official FB page ng kani-kanilang barangay.
Sa elementary level, si Denise Angelie Gines ang nagwagi ng first prize na ₱5,000 cash para sa kanyang entry na "Mahalaga Ako"; second prize winner si Dilan Villegas, na nagwagi ng ₱3,000 para sa kanyang entry na "Dear Self"; at naiuwi ni Gian Salting ang third prize na ₱2,000 para sa kanyang "Tulad ng Isang Lobo" vlog.
Para naman sa high school level, ang vlog entry ni Prince Lyndon Olermom, na “Ang Eroplanong Papel", ang nag-uwi ng first prize na ₱5,000, gayundin ng ‘most liked’ entry na may premyong ₱1,000.
Second prize naman at tinanghal ding ‘the most loved’ entry ang "Relax and Recharge: A Self Care Adventure" vlog ni Angel Tocmohan; habang naka-third prize si Justin Jay Castillo para sa kanyang "My Ways to have a Healthy Mind" vlog.
Ang mga hindi pinalad na magwagi sa contest ay hindi umuwing luhaan dahil pinagkalooban sila ng consolation prize na tig- ₱500.
Ani Regional Health Promotion Unit Head Cheryl D. Buhong, ang aktibidad ay bahagi pa rin ng DOH Health Promotion Playbook upang hikayatin ang mga LGUs na magpatupad at magsulong ng mga programa at aktibidad na nag-a-advocate para sa isang healthy lifestyle.
“This is part of the seven healthy habits under the DOH’s Health Promotion Framework Strategy 2021 to 2030, under priority area 3 which is ‘caring for yourself and caring for others’. Self-care is all that we do to take care of ourselves in order to stay physically, mentally, and emotionally well. We need to practice self-care in order to preserve or improve our mental health and well-being,” pagtatapos pa ni Buhong.