Nagpatutsada ang showbiz-columnist at talent manager na si Ogie Diaz sa mga "pulitikong kurakot" o mga opisyal ng pamahalaan na nagsasagawa ng katiwalian o pangungulimbat ng kaban ng bayan.
Sa kaniyang Facebook story, naikonekta ni Ogie ito sa nag-viral niyang acting workshop sa mga nangangarap maging artista at sundan ang yapak ng mga pinakasikat na stars ngayon sa showbiz.
Aniya, "Alam n'yo kung sino ang mahuhusay umarte at di na kailangang mag-undergo ng Ogie Diaz Acting Workshop?"
"Yung mga pulitikong kurakot."
"Kasi kahit convinced na convinced ka na corrupt sila, kaya nilang magmaang-maangan, iarte na malinis sila at mahal nila ang bayan."
"Kasi once umamin sila, ay nako, wala. Di nila nabigyan ng justice yung role."
Bukod sa mga usaping showbiz, kilala si Ogie sa pagbibigay ng kaniyang saloobin sa mga nangyayaring usaping panlipunan at pampulitika.
Sa nagdaang halalan, naging tagasuporta siya ng pagtakbo bilang pangulo ni dating Vice President Leni Robredo.