Sinabi ni Senador Risa Hontiveros na magandang balita raw para sa lahat ng Pilipino at sa ekonomiya ng bansa ang pagsuspinde sa pagpapatupad ng Republic Act 11954 o Maharlika Investment Fund (MIF) Act of 2023.
Nitong Miyerkules, sinuspinde ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang implementasyon ng MIF dahil ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin nais umanong pag-aralan nang maigi ng pangulo ang IRR ng batas.
Maki-Balita: PBBM sinuspinde ang implementasyon ng Maharlika Investment Fund
“Inaasahan ko na ang suspensyong ito ay nangangahulugan na nagsisimula nang pakinggan ng Pangulo ang ating mga babala,” saad ni Hontiveros sa isang pahayag.
"Sa katunayan, maraming probisyon sa MIF Act ang nangangailangan ng masusing pagsusuri na sa aking pananaw ay hindi basta-bastang maisasaayos - dahil malinaw na minadali ang batas, at hindi tayo handa ngayon na suportahan ang isang wealth fund,” dagdag pa niya.
Binanggit din ng senadora na malinaw raw na hindi totoo umano ang sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na may labis na pondo ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
“Sa katunayan, malinaw na ngayon na hindi totoo ang sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno sa Senado na may labis na pondo ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) na hindi ginagamit at maaaring ilagak sa MIF. Tila wala siyang kakayahang makita ang maaaring masamang epekto dulot ng panggugulo sa finances ng Land Bank at DBP. Dati pa naman siyang BSP Governor,” saad ni Hontiveros.
“Ang MIF, kasama ng kanyang mga kahinaan, ay nakaambang bawasan ang kakayahan ng LBP at DBP na magbigay ng pautang para sa mga magsasaka, mangingisda, at mga agri-negosyante ng higit sa P700 bilyon - o sampung beses ang puhunan na kukunin mula sa kanila. Sa katunayan, ayon sa posisyon ng Bangko Sentral, kinakailangan na irecapitalize ang DBP at Land Bank. Saan kukunin ang pondo para dito? Ito'y kukunin pa sa utang.”
Binigyang-diin din ni Hontiveros na dapat daw ay manatiling suspendido ang MIF act hanggang maresolba ang bawat kahinaan at alalahanin hinggil dito. Hindi rin daw dapat maging pabaya ang pamahalaan sa perang pinaghirapan ng mamamayan.
Matatandaang pinirmahan ni Marcos ang Maharlika Investment Fund o ang Republic Act 11954 noong Hulyo 18.
Ayon kay Marcos, ang MIF ay magbibigay-daan sa Pilipinas para lumahok sa mahahalagang pamumuhunan nang walang karagdagang pag-utang.
MAKI-BALITA: PBBM, nilagdaan na ang Maharlika Investment Fund Act of 2023