Inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na natanggap na umano ng International Criminal Court (ICC) ang ipinadala nilang TV footage ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa sinabi nitong ginamit niya umano ang confidential at Intelligence funds (CIF) para magsagawa umano ng extra-judicial killings sa kaniyang mga nasasakupan sa Davao City noong alkalde pa siya.

“Naacknowledge na po ng ICC ang pagtanggap ng video. Pakiramdam ko malapit na makamit ang hustisya,” saad ni Trillanes sa kaniyang X account (dating Twitter) nitong Martes, Oktubre 17.

Trillanes, hinimok gov't na payagan ang ICC na imbestigahan ‘drug war’ ni ex-Pres. Duterte

https://twitter.com/TrillanesSonny/status/1714115177480896967

Matatandaang kamakailan sinabi ni Duterte sa panayam ng SMNI na ginamit niya ang kaniyang confidential at Intelligence funds (CIF) para magsagawa umano ng extra-judicial killings sa kaniyang mga nasasakupan sa Davao City noong alkalde pa siya.

“Ang intelligence fund, binili ko. Pinapatay ko lahat, kaya gano’n ang Davao… Pinatigok ko talaga, ‘yun ang totoo,” saad ni Duterte sa isang video sa naturang panayam.

Dahil dito, hinimok ni Trillanes ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na payagan ang ICC na pumasok sa Pilipinas upang imbestigahan ang “war on drugs” ni Duterte.

Maki-Balita: Trillanes, hinimok gov’t na payagan ang ICC na imbestigahan ‘drug war’ ni ex-Pres. Duterte