Matapos ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga “pinapatay” umano sa Davao noong siya ang alkalde, muling nanawagan si dating Senador Antonio Trillanes IV sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na payagan ang International Criminal Court (ICC) na pumasok sa Pilipinas upang imbestigahan ang “war on drugs” ng dating pangulo.
Kamakailan lamang ay sinabi ni Duterte sa panayam ng SMNI na ginamit niya ang kaniyang confidential at Intelligence funds (CIF) para magsagawa umano ng extra-judicial killings sa kaniyang mga nasasakupan sa Davao City noong alkalde pa siya.
“Ang intelligence fund, binili ko. Pinapatay ko lahat, kaya gano’n ang Davao… Pinatigok ko talaga, ‘yun ang totoo,” saad ni Duterte sa isang video sa naturang panayam na shinare din ni Trillanes at ipinadala na rin umano sa ICC.
https://twitter.com/TrillanesSonny/status/1713515802484457837?s=20
Bukod naman sa naturang pahayag, sinabi rin ng dating Pangulo sa naturang panayam na gagamitin ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ang CIFs nito upang maging “compulsory” umano ang military training sa mga high school at college student, at upang ihinto ang communist insurgency sa bansa, kung saan nagbitiw rin siya ng “death threats” umano kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro.
“We, the Magdalo group, are urging the Marcos administration to allow the ICC investigators into the country in order to make ex-president Rodrigo Duterte accountable for his crimes against humanity,” pahayag naman ni Trillanes, national chairman ng Magdalo group, nitong Lunes, Oktubre 16.
“Being the original filers of the ICC case in 2017, we have witnessed and documented the barbaric actions of the past administration, as well as the trauma and hardships that the thousands of victims and their families have suffered.”
“Truly, justice is long overdue,” saad pa niya.
Samantala, matatandaang sinabi kamakailan ni Marcos na hindi na umano makikipag-ugnayan ang administrasyon nito sa ICC matapos nitong ibasura ang kanilang apela na ihinto ang imbestigasyon sa “war on drugs” ng administrasyon ni Duterte.
https://balita.net.ph/2023/07/22/pbbm-matapos-ibasura-ng-icc-ang-apela-ng-pinas-hinggil-sa-drug-war-we-are-done-with-the-icc/