Kinumpirma ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na balik-serbisyo na ang pulis na nasibak dahil sa pagpapahinto ng trapiko sa Commonwealth Avenue para makadaan ang isang “VIP.”
Sa isang pahayag nitong Martes, Oktubre 17, nagpasalamat si Belmonte kay Quezon City Police District Director PBGEN. Rederico Maranan dahil sa pagbabalik-serbisyo ng sinibak na pulis na si Executive Master Sergeant Verdo Pantollano.
Ibinahagi ng alkalde na noong Oktubre 9, hinimok niya si Maranan na ibalik sa puwesto si Pantollano matapos sabihin ni MMDA Chairman Rolando Artes na normal lamang ipatigil ang daloy ng trapiko para sa mga VIPs.
“Last October 9, I strongly urged Gen. Maranan to reinstate relieved cop Pantollano following the clarification made by MMDA Chairman Rolando Artes that interrupting traffic flow as a courtesy to VIPs is normal practice. I felt that an injustice was committed against Pantollano when he was relieved for simply doing his job,” ani Belmonte.
Dagdag pa niya, hindi dapat na mapagbintangan ang mga maliliit na tao lalo’t sumusunod lamang ito sa utos. "Tulad ng aking nabanggit, hindi dapat na ang maliliit na tao ang napagbibintangan at sumasalo ng galit. Siya ay sumusunod lang naman sa utos.”
“We promote fairness and justice in our city and ensure that no one will bear the burden for something that is not their fault.”
Samantala, sinabi rin ni Belmonte sa isang ambush interview nitong Lunes, Oktubre 16 na hindi pa umano sinasabi sa kaniya kung sino nga ba ‘yung dumaan na VIP.
“Wala talaga akong alam […] usually kasi sabihin na nating may isang issue… usually ano ‘yan eh, nakikipag-ugnayan ang pulis sa DPOS (Department of Public Order and Safety) sa city government,” saad ni Belmonte.
“Usually ‘yung mga pulis hindi gumagawa ng desisyon na wala kaming alam eh. Pero in this case, wala kaming alam talaga. Hindi namin alam. Biglaan talaga. So hindi ko alam at hanggang ngayon hindi pa nila sinasabi sa akin kung sino,” dagdag pa niya.
Maki-Balita: Mayor Joy hindi pa rin kilala ang ‘VIP’ sa insidente sa Commonwealth