Tiniyak ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na handa na sila sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong papasok at palabas ng bansa sa dalawang magkasunod na long weekend sa bansa

Sa Manila City Hall Reporters Association (MACHRA) Balitaan sa Harbor View nitong Martes, sinabi ni Tansingco na magdaragdag sila ng augmentation teams sa mga paliparan.

Metro

Buntis, nanganak sa tabi ng kalye!

Hindi rin muna aniya nila papayagan ang paghahain ng vacation leave ng kanilang mga personnel, upang matiyak na sapat ang kanilang mga tauhan sa mga naturang panahon.

Sinabi ni Tansingco na “October 28 to November 5, very long weekend, magpapadala na ako ng augmentaton sa airport. Simula October 25 hanggang November 5, wala munang mga vacation leave."

Dagdag pa niya, “Parehas ng ginawa natin noong Holy Week, yung mga gustong mag-duty sa airport na nasa main office, papa-duty sa airport as augmentation."

Sinabi rin naman ng BI chief na pinaghahandaan na rin ng ahensya ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa panahon ng kapaskuhan.

Aniya, “Starting November 15 up to January 15, as usual, bawal mag-leave. Ginagawa na natin ito taon-taon, kasi we are expecting ngayong fourth quarter, we are expecting four million arrivals."

Kasama rin aniya sa itatalaga sa mga paliparan ang 55 bagong immigration personnel na nagsasanay ngayon sa Clark at mga organic personnel na magsisilbing acting immigration personnel.

Paniniguro ng BI chief, “Mayroon tayong organic personnel na ni-request natin kay (DOJ Chief) Secretary (Crispin Remulla) i-designate as acting immigration personnel, there are 18 of them. Ide-deploy din natin iyan ngayong Pasko. The usual natin na paghahanda, ginagawa natin, sana walang mga gusot but we are ready," aniya pa.

"We are taking the necessary steps na maging maganda yung immigration service natin during the Christmas season,” ayon pa kay Tansingco.