Epektibo na bukas, Martes, Oktubre 17, ang unang tranche ng toll rate adjustment para sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).

Ito'y matapos na aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang toll rate hike petition na inihain ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation noong 2020 at 2022.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Alinsunod sa toll rate hike, nabatid na ₱25 ang dagdag sa toll fee ng mga Class 1 vehicles na bumibiyahe sa pagitan ng Tarlac City patungong Mabalacat, Pampanga.

Nasa ₱50 naman ang dagdag sa mga Class 2 vehicles at ₱75 naman para sa mga Class 3 vehicles.

Ang mga Class 1 vehicles na bumibiyahe naman sa pagitan ng Mabalacat at Tipo, Hermosa, Bataan ay magdaragdag ng ₱40 sa kanilang bayarin sa toll, ₱81 sa Class 2 at ₱121 naman sa Class 3.

Samantala, ang mga bumibiyahe naman ng end to end, mula Tipo, Hermosa, Bataan hanggangTarlac City ay magbabayad ng dagdag na ₱65 para sa Class 1 vehicles, ₱131 para sa Class 2, at ₱196 para sa Class 3 vehicles.

Anang NLEX Corp., ang masisingil nila sa toll rate adjustments ay gagamitin nila sa pag-operate at pagmamantine ng SCTEX, alinsunod sa kinakailangang antas ng serbisyo at standards, gayundin sa pagsusulong ng mga kinakailangang improvements at expansion works para na rin sa kapakanan ng mga tollway users.

Pagtiyak pa ng kumpanya, ang provisionally approved na toll fees ay sumailalim sa masusi at metikulosong pagrepaso ng TRB, at ang NLEX Corp. ay tumalima sa lahat ng procedures at requirements, kabilang na ang paglalathala at paghahain ng surety bond, bago ang Notice to Start Collection na inisyu noong Agosto 16, 2023.

Dagdag pa ng NLEX Corp., ang naturang provisional toll rate adjustments ay isasailalim pa rin umano sa higit pang pagrepaso ng TRB alinsunod sa umiiral na mga panuntunan.

Bilang karagdagan, nabatid na upang proteksiyunan ang general welfare, sugpuin ang umiiral na inflationary situation at bawasan ang impact sa motoring public, ipinag-utos ng TRB ang pagpapatupad ng provisionally approved toll fees sa tatlong tranches sa loob ng tatlong taon.