Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III na pinatawad na niya ang kanyang dating aide na si Jeffrey Tumbado, na nag-akusa umano sa kanya ng katiwalian na walang basehan.

Ayon kay Guadiz, wala na rin siyang planong rumesbak at magsampa ng kasong libelo laban kay Tumbado, na paulit-ulit na humingi ng tawad sa kanya matapos na bawiin ang kanyang mga alegasyon ng katiwalian sa LTFRB chairman.

National

Trillanes, civil society group kinasuhan ng plunder, graft si VP Sara

“I have already forgiven Jeffrey. Kung Diyos nga nagpapatawad, ako pa kaya. He apologized to me repeatedly after realizing that he made a mistake,” aniya. “I will not file libel charges against him. I have already forgiven him. Jeffrey already said sorry and, for me, that’s more than enough.”

Anang suspendidong LTFRB chief, nagalit sa kanya si Tumbado matapos itong ma-demote dahil sa kanyang attitude problem sa trabaho. Dahil dito aniya, ang dating aide ay nagtagni umano ng mga gawa-gawang akusasyon para siraan siya.

“Jeffrey got demoted because of his attitude at work. Disgruntled with his demotion, he made these accusations against me,” paglalahad pa ni Guadiz.

Aminado naman si Guadiz na matapos marinig ang mga alegasyon ni Tumbado ay labis siyang nabigla at kinailangan niya ng panahon para iproseso ang mga walang basehang paratang laban sa kanya.

Aniya pa, nasa isang pulong siya kasama ang mga transport group nang makarating sa kanya ang ginawa ni Tumbado.  “I never saw this coming; I treated him as if he is part of my family member… I needed time to process it, I was so shocked because I know that I did nothing wrong.”

Agad naman aniyang humingi ng tawad sa kanya si Tumbado kinabukasan o isang araw lamang matapos nitong gawin ang mga walang basehang akusasyon at nagpahayag ng labis na pagsisisi sa kanyang ginawa.

“Jeffrey apologized twice to me. Paulit-ulit niyang sinasabi na mali ang ginawa niya. He was very sorry. Ako naman, I told him na pinapatawad ko na siya,” saad niya.

Nabatid na si Guadiz, na kilala sa tawag na “Tatang” o ama sa LTO dahil sa kanyang ‘fatherly image’, ay mahal na mahal ng mga empleyado at mga kasamahan sa trabaho, na tinatrato niyang mga kapamilya.

Karamihan din sa mga transport group ay nagpaabot na ng suporta kay Guadiz dahil alam nilang pawang kasinungalingan ang sinabi ni Tumbado sa media. Naglabas pa ang mga ito ng manifesto para suportahan ang LTFRB chairman.

“Iyong mga pinakamalaking transport groups and I would say 95% of the transport groups ay nag-issue na ng manifesto na sinusuportahan tayo sa ating krusada,” saad ni Guadiz.

Kaugnay nito, sinabi rin ng LTFRB chairman na iginagalang niya ang desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na suspindihin siya matapos ang akusasyon.

“Noong ako ho ay sinuspinde ay biglaan po ‘yun, at ginagalang ko naman po ang desisyon ng ating Pangulo. Kay (DOTr) Secretary (Jaime) Bautista po, hindi pa rin po ako nagpupunta sa kanya dahil unang-una po, paglabas ng balita ay ako po ay nabigla, hindi ko po alam kung papaano mag-react. At hindi ko po ma-absorb ‘yung mga bintang na ganoon, dahil sa 23 years ko po sa public service, ngayon lang ako napagbintangan ng ganito.”

Sakali naman aniyang ibalik siya ng Pangulo sa puwesto, sinabi ni Guadiz na patutunayan niya sa publiko na ang lahat ng paratang sa kanya ay mga kasinungalingan na gawa-gawa lamang ng isang “disgruntled employee.”

Matatandaang noong Oktubre 11, binawi ni Tumbado ang kanyang mga alegasyon laban kay Guadiz, at sinabing ang lahat ng sinabi niya ay “borne out of impulse, irrational thinking, misjudgment, poor decision making and was encouraged by some individuals to make the statement…”

Iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsuspinde kay Guadiz dahil sa walang basehang mga paratang ni Tumbado noong Oktubre 9, habang iniimbestigahan kung may katotohanan ang mga akusasyon.