Ginawaran ng parangal at cash prize ng  San Juan City government si 19th Asian Games Jiu-Jitsu Women’s 48KG Category Gold Medalist Margarita ‘Meggie’ Ochoa nitong Lunes.

Ang naturang aktibidad na isinagawa sa flag raising ceremony at ginanap sa city hall atrium, ay pinangunahan mismo ni San Juan City Mayor Francis Zamora.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Today, we are honoring the pride of San Juan. Nais kong ipaalam na meron na pong bagong kampeon ang San Juan. Isang karangalan na ipakilala ang isang tao na nagbigay ng mataas na karangalan sa ating lungsod, si Meggie Ochoa. Meggie, nawa’y maging inspirasyon ka sa mga atleta lalo na dito sa San Juan. Ako’y umaasa na maging inspirasyon ka sa mga kabataan,” ayon kay Zamora.

“Naintindihan ko ang buhay ng isang atleta. Yung kagustuhan nating manalo sa kompetisyon dahil tayo ay naggugol ng sakripisyo, ng oras, ng dedikasyon. Iwas sa bisyo, iwas sa puyat kaya alam ko kung gaano kahirap ang maging isang kampeon,” dagdag pa ng alkalde, na dati ring UAAP at PBL player.

Sa kanyang panig, nagpaabot naman ng labis na pasasalamat si Ochoa sa ginawa ng pamahalaang lungsod ng San Juan.

Aniya, “Maraming salamat po Mayor Zamora. Maraming salamat sa opisyales ng San Juan at nagtatrabaho sa city hall. Na-appreciate ko po ito dahil napaka-warm ng pag-welcome niyo sa ‘kin dito at pag-recognize sa pagkapanalo sa Asian Games. Laking San Juan po ako, mula ng pinanganak ako hanggang ngayon. Malaking bagay po itong recognition dahil iba po ang lugar ng San Juan sa aking puso. Malalim po talaga ang roots.”

“Hindi naging madali ang aking pinagdaanan papunta sa Asian Games. Nung Asian Games, tinrangkaso bago ang laban. Na-injure pa po ako. Pumasok po ako sa finals match ng hindi ako 100 percent. Pero sa lahat ng ito isa lang ang ginawa ko para makamit ang gintong medalya, nagtiwala ako sa Diyos. Alam kong pinayagan Niyang mangyari ‘to. Sa Kanya po ako kumapit. Sa kanya lang po tayo magtiwala, Siya ang kapitan natin, kasi kapag kapitan natin Siya, kakapitan din po Niya tayo,” dagdag pa niya.

Nabatid na ang pamahalaang lungsod ay nagkaloob ng ₱100,000 cash incentive kay Ochoa sa pamamagitan ng City Ordinance No. 35, Series of 2023.

Umabot naman sa kabuuang ₱200,000 ang perang naiuwi ni Ochoa, matapos na dagdagan ito ng ₱100,000 pa ni Zamora, mula sa kanyang sariling pera, upang ipakita ang kanyang appreciation sa dedikasyon ng manlalaro na makapaghatid ng karangalan at inspirasyon sa mga San Juaneños.

Samantala, inanunsiyo na rin ng alkalde na ang San Juan City ay magtatayo ng sariling multi-level sports complex sa taong 2024 at magdaragdag ng mixed martial arts gym sa loob nito.

Inimbitahan pa ni Zamora si Ochoa upang magturo ng jiu-jitsu sa mga kabataan ng San Juan.

Nabatid na si Ochoa, na residente ng Brgy. Batis, San Juan City, ang siyang kauna-unahang Pinay na nakapag-uwi ng gold medal matapos na talunin si Balqees Abdulla ng United Arab Emirates, sa women’s jiu-jitsu 48kg division finals noong Oktubre 5 sa ginanap na 19th Asian Games sa Hangzhou, Zhejiang, China.