Ipinahayag ni Senador Imee Marcos na hindi marerebisa ng deklarasyon ng holidays ang kasaysayan ng bansa.

Sinabi ito ng senadora nang hingan siya ng reaksyon hinggil sa isyu ng hindi pagsama ng administrasyon ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I.

Matatandaang ipinaliwanag kamakailan ng Office of the President (OP) na hindi umano nakasama ang anibersaryo ng EDSA sa listahan ng special non-working days dahil natapat daw ang Pebrero 25, 2024 sa araw ng Linggo.

Malacañang, inilabas listahan ng holidays sa 2024; EDSA anniversary, 'di kasama?

https://balita.net.ph/2023/10/13/op-may-pahayag-sa-di-pagsama-sa-edsa-anniversary-sa-holidays-para-sa-2024/

Sa panayam ng Radio DZBB nitong Linggo, Oktubre 15, tinanong ang senadora tungkol sa mga nagsasabing “historical revisionism” umano ang hindi pagdedeklarang holiday ng Pebrero 25 sa susunod na taon.

“Hindi naman mare-revise ‘yan. Ang liwa-liwanag naman ng kasaysayan,” saad naman ni Marcos.

Kaugnay nito, iginiit ng senadora na dapat klaruhin ng pamahalaan kung hindi talaga kasama ang anibersaryo ng EDSA sa mga holiday sa susunod na taon.

“Hindi ko sigurado kung absolute exclusion ‘yun or magkakaroon ng deklarasyon. Hindi ko nga naintindihan masyado ‘yung discussion pero, palagay ko, eh kinikilala naman natin na talagang holiday ‘yun,” ani Marcos.

“Baka naman ‘yung Lunes na susunod eh idedeklara pa ring holiday. Hindi tayo sigurado, kaya nga gusto ko i-clarify nila kung talagang hindi na siya nasa kalendaryo o nagkataon nga lang na Linggo nga,” saad pa niya.

Sa ngayon ay wala pa namang paliwanag ang OP hinggil dito.

Bagama’t walang batas na nagsasabing dapat ideklara ang anibersaryo ng EDSA bilang holiday, idineklara ito noong nakaraang mga proklamasyon.

Nitong 2023, idineklara ni PBBM ang Pebrero 24 bilang special non-working holiday upang gunitain ang EDSA People Power Revolution na natapat nang panahon iyon sa araw ng Sabado.

Matatandaang Pebrero 25, 1986 nang magprotesta ang ilang libong mga Pilipino sa kalsada upang patalsikin ang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.