Isang Caviteño ang pinalad na makapag-uwi ng mahigit ₱147 milyong jackpot prize ng Super Lotto 6/49 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Linggo ng gabi.
Inanunsiyo ng PCSO nitong Lunes na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination ng Super Lotto 6/49 na 47-35-02-13-38-17 kaya’t naging instant multi-milyonaryo ito sa napanalunang tumataginting na ₱147,354,716.40.
Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Mel Robles, nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Silang, Cavite.
Pinayuhan naman ni Robles ang lucky bettor na upang makubra ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.
Nagpaalala rin si Robles na ang lahat ng premyong lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20% buwis, alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Muli rin namang hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na lotto millionaire, ay makatulong pa sa kawanggawa.
Ang Super Lotto 6/49 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.