Inaasahang makararanas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang probinsya ng Palawan ngayong Linggo, Oktubre 15, dulot ng trough ng low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Daniel James Villamil na nagdudulot pa rin ng mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang trough ng LPA na binabantayan sa labas ng PAR.

“Nasa labas na ito (LPA) ng ating Philippine area of responsibility ngunit makararanas pa rin tayo ng mga pag-ulan sa bahagi ng Palawan within the next 24 hours,” ani Villamil.

Samantala, posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains ang Batanes, Cagayan, Isabela, Apayao, at Abra bunsod ng northeasterly surface windflow.

National

Rep. Castro sa plano ni VP Sara na tumakbo bilang pangulo: 'Well, sana hindi siya manalo!'

Wala namang inaasahang epekto ang naturang mga pag-ulan sa nasabing lugar, ayon sa PAGASA.

Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang maaaring maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa northeasterly surface windflow o ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.