Muling pinatunayan ng 19 senior citizen couples sa Taguig City na “may forever” nang muli silang magpakasal matapos umano ang mahigit 50 years na pagsasama bilang mga “husband and wife.”
Inihanda umano ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang seremonya para sa 19 senior citizen couples sa pamamagitan ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA).
Sa ulat ng Taguig LGU, pinangunahan ni Mayor Lani Cayetano ang renewal ng marriage vows ng nasabing 19 senior citizen couples sa New City Hall noong Biyernes, Oktubre 13, bilang pagdiriwang ng lungsod ng Elderly Filipino Week 2023.
Isa umano sa naturang senior citizen couples na muling ikinasal ay sina Gertrudes Alowa at Rogelio Alowa na 53 years nang nagdiriwang ng kanilang wedding anniversary.
Nang tanungin naman ng Taguig LGU ang kanilang marriage advice sa matagal na pagsasama, sinabi ni Gertrudes: “Yung magbibigayan, kapag galit ‘yung isa, dapat magpakumbaba ‘yung isa. Kasi kung parehong mag-iinit, mapupunta sa hiwalayan ‘yan. ‘Yun ang kailangan, magbibigayan ang isa’t isa.”
Maging ang senior citizen na si Napoleon Briñas, na 50 taon nang kasal sa misis na si Carmen Briñas, ay nagbahagi rin ng advice sa mga bagong kasal.
“Hindi man tayo perpektong tao, at dumadaan tayo sa panahong nakakagawa ng kasalanan. Ang importante lang po ay marunong kayong humingi ng kapatawaran. At ang lalong importante, ang iyong kasama sa buhay ay nakalaang tumanggap at umunawa dahil sa pagmamahal,” saad ni Napoleon.
Sa nasabing seremonya ay binati rin ni Cayetano ang 19 senior citizen couples dahil sa milestones umanong naabot nila sa pagdiriwang ng golden anniversaries o higit pa.
“Ang 50 years ay napakalawig na panahon. Kayo po ay napakagandang halimbawa sa ating komunidad at sa maraming mag-asawa na sa araw-araw ay nagsusumikap sa kanilang pangakong magsama habambuhay,” saad ng alkalde.