Tinawag ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel na "palusot" ang naging paliwanag ng Office of the President (OP) hinggil sa hindi pagsama sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa listahan ng mga holiday na idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa taong 2024.

Matatandaang nito lamang Biyernes, Oktubre 13, nang ilabas ng Malacañang ang listahan ng mga holiday para sa susunod na taon, kung saan hindi nga nakasama rito ang anibersaryo ng EDSA.

Paliwanag naman ng OP, hindi umano nakasama ang anibersaryo ng EDSA sa listahan ng special non-working days dahil natapat daw ang Pebrero 25, 2024 sa araw ng Linggo.

Malacañang, inilabas listahan ng holidays sa 2024; EDSA anniversary, 'di kasama?

“The Office of the President maintains respect for the commemoration of the EDSA People Power Revolution. However, it was not included in the list of special non-working days for the year 2024 because February 25 falls on a Sunday,” saad ng OP.

https://balita.net.ph/2023/10/13/op-may-pahayag-sa-di-pagsama-sa-edsa-anniversary-sa-holidays-para-sa-2024/

Samantala, igiit ni Manuel sa kaniyang X post nito ring Biyernes na natapat din naman daw sa Linggo ang anibersaryo ng EDSA noong 2018 pero idineklara pa rin itong special non-working holiday.

“In 2018, Feb 25 (EDSA People Power Anniversary) also fell on a Sunday. Pero sinama sa proclamation of holidays for 2018,” ani Manuel sa kaniyang post kalakip ang kopya ng Proclamation No. 269.

“Pero for 2024, ayaw isama,” saad pa ng mambabatas kasama ang hashtag na #Palusot.

Sa kaniya namang Facebook post, binanggit din ni Manuel na hindi umano umaayon ang kasalukuyang administrasyon sa mga nakalipas na proklamasyon na naglalagay ng nararapat na pagsasaalang-alang sa petsa ng Pebrero 25, kahit natapat pa raw ito sa araw ng Linggo o hindi.

“Former president Estrada's Executive Order 82 s. 1999: Feb 25 of every year is EDSA People Power Commemoration Day,” ani Manuel.

“Former president Macapagal-Arroyo's Proclamation No. 1224 s. 2007: Feb 22-25 of every year is EDSA People Power Commemoration Week,” dagdag pa niya.

Samantala, binanggit din ng mambabatas na kasama naman daw sa listahan ng holidays ang Feast of the Immaculate Conception of Mary sa Disyembre 8, 2024 na natapat din sa araw ng Linggo.

“Instead of promoting 'unity', the current admin is consciously disregarding the Marcos Sr Martial Law victims and their families. It is selfishly abusing its power to bury the relevance of EDSA People Power Anniversary, which has been commemorated annually in the past decades,” giit ni Manuel.

“Bottomline: Hindi kailangan ng kahit pisong intelligence fund para makahanap ng magandang palusot,” saad pa niya.

Bagama’t walang batas na nagsasabing dapat ideklara ang anibersaryo ng EDSA bilang holiday, idineklara ito noong nakaraang mga proklamasyon.

Nitong 2023, idineklara ni Pangulong Marcos ang Pebrero 24 bilang special non-working holiday upang gunitain ang EDSA People Power Revolution na natapat nang panahon iyon sa araw ng Sabado.