Isang truck driver ang patay nang sagasaan umano ng kapwa niya truck driver, sa isa na namang insidente ng road rage sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng hapon.
Naisugod pa sa Tondo Medical Center ang biktimang si Benjamin Bagtas, 47, residente ng 1190 Area A, Gate 5, Parola Compound, Tondo, Maynila ngunit binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsalang tinamo sa katawan matapos na sadyaing sagasaan umano ng truck ng suspek.
Samantala, nagtangka pang tumakas ngunit kaagad din namang naaresto ng mga tauhan ng Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) ang suspek na si Marlon Ilas, 34, truck driver, at taga-Purok 2, Centro 1, Malig, Isabela City.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PSSg Jason Ibasco, ng Manila Police District (MPD) - Homicide Section, na naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng hapon sa southbound lane ng Mel Boulevard, malapit sa Smokey Mountain PCP, sa Vitas, Tondo, Manila.
Ayon sa salaysay ng saksing si ‘Bernardino,’ nagsimula ang away sa C-3 Navotas matapos na magkasagutan ang biktima na nagmamaneho ng Aluminum van na may conduction sticker na D2 H624, at ang suspek na nagmamaneho naman ng trailer truck, na may plate number na NAS 9587.
Nang makarating ang mga ito sa Mel Boulevard ay dito na bumaba ang biktima ng truck upang kumprontahin ang suspek
Gayunman, bago pa man malapitan ang suspek ay sinagasaan na siya umano nito ng minamanehong truck.
Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.