Inilabas ng Malacañang nitong Biyernes, Oktubre 13, ang listahan ng mga petsa ng regular holidays at special non-working days na idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa taong 2024.
Sa ilalim ng Proclamation No. 368 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, idineklara ni Marcos ang mga sumusunod na petsa bilang regular holidays:
Enero 1 (Lunes) – New Year’s Day
Marso 28 (Huwebes) – Maundy Thursday
Marso 29 (Biyernes) – Good Friday
Abril 9 (Martes) – Araw ng Kagitingan
Mayo 1 (Miyerkules) – Labor Day
Hunyo 12 (Miyerkules) – Independence Day
Agosto 26 (Lunes) – National Heroes Day (Huling Lunes ng Agosto)
Nobyembre 30 (Sabado) – Bonifacio Day
Disyembre 25 (Miyerkules) Christmas Day
Disyembre 30 (Lunes) – Rizal Day
Samantala, idineklara namang special (non-working) days sa 2024 ang mga sumusunod:
Agosto 21 (Miyerkules) – Ninoy Aquino Day
Nobyembre 1 (Biyernes) – All Saints’ Day
Disyembre 8 (Linggo) – Feast of the Immaculate Conception of Mary
Disyembre 31 (Martes) – Last Day of the Year
Narito rin ang mga karagdagang special (non-working) days:
Pebrero 10 (Sabado) – Chinese New Year
Marso 30 (Sabado) – Black Saturday
Nobyembre 2 (Sabado) – All Souls’ Day
Disyembre 24 (Martes) – Christmas Eve
“The proclamations declaring national holidays for the observance of Eid’l Fitr and Eid’l Adha shall hereafter be issued after the approximate dates of the Islamic holidays have been determined in accordance with the Islamic calendar (Hijra) or the lunar calendar, or upon Islamic astronomical calculations, whichever is possible or convenient,” nakasaad din sa proklamasyon.
Kaugnay nito, pinapayuhan umano ang National Commission on Muslim Filipinos na irekomenda sa Office of the President (OP) ang aktwal na mga petsa kung kailan matatapat ang Eid’l Fitr at Eid’l Adha holidays.
Samantala, hindi naman nakasama sa listahan ng mga holiday ang 38th anniversary ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25, 2024, na natapat sa araw ng Linggo.
Bagama’t walang batas na nagsasabing dapat ideklara ang anibersarsyo ng EDSA bilang holiday, idineklara ito noong nakaraang mga proklamasyon.
Nitong 2023, idineklara ni Pangulong Marcos ang Pebrero 24 bilang special non-working holiday upang gunitain ang EDSA People Power Revolution na natapat sa araw ng Sabado.