Sumalang si “RnB Queen” Kyla Alvarez sa panayam kay showbiz columnist Ogie Diaz kamakailan.
Isa sa kanilang mga napag-usapan ay ang pagiging ina ni Kyla sa anak na si Toby. Inamin ni Kyla na na-overwhelm umano siya nang isilang ang kaniyang anak at pakiramdam niya ay dumaan pa siya sa postpartum depression.
“Kasi umiiyak ako ng walang dahilan. Kasi noong bagong panganak ako, si Rich noon parati siya nandoon sa practice or may game. Naiwan akong mag-isa sa bahay with my new born. So, medyo na-overwhelm ako sa experience na ‘yung hirap talaga. Hindi ko alam ‘yung gagawin ko ‘pag umiiyak siya. Hindi ko alam kung bakit siya umiiyak. Pinadede ko na. Okay naman ‘yung diaper niya. Pero umiiyak siya,” kuwento ni Kyla.
Bagama’t umaagapay naman umano ang mga in-laws ni Kyla para magpadala ng pagkain, halimbawa, hindi pa rin maitatanggi ang hirap na pinagdadaanan niya sa pagpapadede at pagpapatulog sa anak.
Tanong tuloy ni Ogie: “Naging OA kang nanay noong araw?”
“Actually, hanggang ngayon sobrang OA ako,” natatawang sagot ni Kyla. “Feeling ko lang nao-OA-yan na sila sa akin.”
Kung ilalarawan si Kyla bilang ina, siya umano ‘yung tipong hahabulin si Toby para lagyan ng lampin ang likod ng anak. O tatanungin kung gutom na ba ito.
Matatandaang nagkaroon ng apat na miscarriage si Kyla. At kamakailan lamang ay inalala ito kasunod ng emosyunal niyang pagkanta sa namayapang ina ng kaniyang kaibigang si Erik Santos.