Minsan pang pinatunayan ng isang welder at metal artist mula sa Lagawe, Ifugao na may "pera sa basura" basta't maging malikhain at matiyaga lamang sa kung paano pa ito magagamit at mapakikinabangan pa ng iba.
Kinabibiliban ngayon ang welder na si "Kelvi Galap" dahil nakakagawa siya ng iba't ibang eskultura, disenyo, dibuho, pandisplay o mga laruan sa pamamagitan lamang ng mga retaso o putol-putol na bahagi ng bakal.
Makikita sa personal at opisyal na Facebook page ni Galap ang kaniyang mga likhang-sining, na na-exhibit na rin sa iba't ibang lugar at naibenta na rin sa malaking halaga.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Galap, napag-alamang noong Abril 30 lamang siya nagsimulang gumawa ng isang artwork mula sa mga pinagtabasan ng bakal mula sa kaniyang trabaho bilang welder.
Ang unang nagawa niya ay isang "budget size motorcycle" na talaga namang pinusuan ng mga netizen. Aniya, trip-trip lang niya ang paggawa nito, subalit nang may magka-interes sa kaniyang mga likha at bilhin ito, dito na tila nagseryoso si Galap at ginawa na itong negosyo.
"Nakita ko lang po sa FB isang motor na gawa sa scrap na upload ng mga foreigner tapos gumawa din ako tapos may mga naka-appreciate naman nung pinost ko kaya gumawa pa 'ko," aniya.
"May mga on-going pa po akong ginagawa pa as of now," aniya.
Ang mga metal sculptures niya ay naipagbebenta niya sa presyong ₱2k hanggang ₱50k, depende sa disenyo at laki.
"Pero meron din po yung maliliit na ₱200-₱600 pero halos inubos na sa Baguio," aniya pa.
Sa mga interesadong makita at bumili ng metal artwork ni Galap, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniyang Facebook page.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!