Naglabas ng pahayag ang spokesperson ng Akbayan na si Perci Cendaña matapos depensahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang anak na si Vice President at Education Secretary Sara Duterte tungkol sa confidential at intelligence funds (CIFs) nito.
Naunang sinabi ng dating pangulo na gagamitin ng bise presidente ang mga naturang pondo para maging “compulsory” ang military training sa mga high school at college student.
Maki-Balita: Former Pres. Duterte, dinipensahan si VP Sara tungkol sa confidential funds
"Pagkatapos ipasa sa Undersecretary, 'yung tatay naman ang gumagawa ng palusot,” pahayag ni Cendaña nitong Huwebes, Oktubre 12.
"Huwag ninyong pinapaikot ang taxpayers. Sabi nung una, she can live without confidential funds, pero hanggang ngayon, patuloy pa rin silang nagpapaka-defensive. Sabi ng tatay niya, sa Reserve Officers' Training Corps (ROTC) daw gagamitin ang pondo, pero bakit hindi ito binanggit ni Sara noong hindi siya makasagot sa budget hearings ng Senado?” saad pa ng Akbayan spokesperson.
Dagdag pa niya, respetuhin na lamang daw ang desisyon ng Kongreso tungkol sa paglipat ng confidentials funds sa mga ahensyang dumidepensa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
"Tapos na ang debate. Respect the decision of Congress to remove the confidential funds from agencies that are not mandated to have them. Mas kinakailangan ito ng ating frontliners sa West Philippine Sea. Hindi naman natin ihaharap sa China ang mga senior high school students natin. Mga mangingisda natin ang apektado, kasama na ang mga nagtatanggol sa ating teritoryo," ani Cendaña.
Kamakailan lamang, inalis ng Kamara ang confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno para sa 2024, ayon kay Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo.
Kabilang ang OVP at DepEd sa mga tinanggalan ng confidential funds para sa 2024.
Ililipat umano ang confidential funds ng naturang mga ahensya para mga ahensyang dumidepensa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at nakatutok sa “peace and order” ng bansa.
Maki-Balita: Confidential funds ng 5 gov’t agencies, inalis ng Kamara – Quimbo
"Congress must enact safeguards to prevent abuse and ensure accountability when it comes to confidential and intelligence funds. Dapat napupunta ito sa mga tamang ahensya at natitiyak na nagagamit ito para sa kapakanan ng mga mamamayan. Sa dulo, ang kaban ng bayan ay pera ng taumbayan, hindi ng iilan lamang," pagtatapos ni Cendaña.