Mariing kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro.
Matatandaang pinatutsadahan ni Duterte si Castro sa isang panayam sa SMNI noong Martes ng gabi, Oktubre 10, kaugnay ng confidential funds ng tanggapan ni VP Sara.
“Sabi ko kay Inday (Sara Duterte), diretsuhin mo na. Itong intelligence fund na ito is to prepare the minds of the Filipinos, itong insurgency na hindi matapos-tapos and the ROTC para preparado tayo kung magkagiyera. [Sa] ganitong sitwasyon ngayon, ‘pag wala tayong sundalo, meron tayong mga bata who will take care of their respective barangay to help government,” ani Duterte. Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin’,” bahagi ng pahayag ni Duterte.
Naglabas naman ng pahayag ang ACT nitong Huwebes, Oktubre 12, upang kondenahin ang naturang pahayag ni Duterte.
“[ACT] vehemently condemns in the strongest terms former President Rodrigo Duterte’s statement that he urged his daughter Sara Duterte, the current Vice President and Secretary of Education to confront ACT Teachers Party-list Representative France Castro that the intelligence funds are for targeted killing of groups and individuals who they red-tag and label as terrorists including Rep. Castro herself,” pahayag ng ACT.
“Rodrigo Duterte’s deplorable rhetoric is a reaffirmation of his outright fascist character, which his daughter has perpetuated since taking office, thereby undermining the rule of law and the democratic rights of citizens,” dagdag pa nito.
Binanggit din ng ACT na may kinalaman umano ang naging patutsada ng dating pangulo sa pagtanggal ng Kamara ng confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ni VP Sara.
https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/
Ayon kay ACT Chairperson Vladimer Quetua, maituturing daw na “kasuklam-suklam” at “kasuka-suka” ang naging pahayag ni Duterte, at malinaw raw itong direktang banta sa buhay ni Castro, maging ng mga progresibong grupo at indibidwal na “naggigiit at ipinaglalaban lamang ang lehitimong panawagan at karapatan ng mga mamamayan.”
“Malinaw din na ginamit at gagamitin ng estado ang confidential at intelligence funds na isiniksik at ipinipilit ng iba’t ibang ahensya sa kani-kanilang mga pondo para sa pandarahas, panunupil, at pagpaslang ng mga karaniwang Pilipino,” saad pa ni Quetua.
“Pruweba ito na ang estado mismo ang may pakana at salarin sa libu-libong kaso ng extra-judicial killings, abductions, at marami pang anyo ng pagyurak sa karapatang pantao sa loob ng rehimeng Duterte na nagpapatuloy at tumintindi hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos-Duterte,” dagdag niya.
Iginiit din ni Quetua na hindi umano dapat palampasin ang naturang pahayag ng dating Pangulo.
“Hindi dapat ito palampasin at ipagsawalang-bahala. Hindi dapat natin hayaang patuloy na umiral ang kultura ng pagpaslang, paglabag sa karapatang pantao at kawalang hustisya sa ating bansa,” aniya.
“Dapat na panagutin ang mga berdugong katulad ni Rodrigo Duterte sa krimen nito laban sa mamamayang Pilipino at sa sangkatauhan. Mangyayari lamang ito kung ibabasura na ang Terror Law, bubuwagin ang NTF-ELCAC, at aalisin ng gobyerno ang pondo nito sa pandarahas at panunupil.”
Samantala, nagpahayag din si Quetua ng kanilang pakikiisa sa panig ni Castro, maging sa pagiging kritiko umano nito sa confidential funds.
“Kaming mga kumokontra sa confidential at intelligence funds ay kumokontra sa paglustay sa kaban ng bayan, sa pandarahas at panunupil. Ang tunay na kumokontra sa kapayapaan at kalaban ng bayan ay ang mga sakim, pasista, at notorious human rights violators katulad ng mag-amang Rodrigo at Sara Duterte,” saad pa ni Quetua.