Dalawang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ang kasalukuyan umanong binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa public weather forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw nitong Huwebes, Oktubre 12, inulat ni Weather Specialist Patrick Del Mundo na huling namataan ang unang binabantayang LPA sa loob ng PAR 860 kilometro ang layo sa silangan ng Eastern Visayas.
Nananatili naman umanong mababa ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA.
Ayon din kay Del Mundo, nabuo ang ikalawang binabantayang LPA sa loob ng PAR dakong 2:00 ng madaling araw ngayong Huwebes. Huli umano itong namataan 135 kilometro ang layo sa kanluran ng Coron, Palawan.
“Ito’y magpapaulan sa maghapon sa ilang bahagi ng MIMAROPA, Southern Luzon, at gayundin sa ilang bahagi ng Visayas,” ani Del Mundo.
Nananatili rin naman umanong mababa ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA sa loob ng 48 oras, at posible ring lumabas ng PAR ngayong linggo.
Samantala, mino-monitor pa rin ng PAGASA ang isang bagyo sa labas ng PAR na may international name na “Bolaven” na huling namataan sa layong 2,190 kilometro sa silangan ng Extreme Northern Luzon.
“Ang Super Typhoon Bolaven ay mababa pa rin ang tsansang pumasok ng ating Philippine area of responsibility,” saad ni Del Mundo.
Pagdating sa magiging lagay ng panahong ngayong Huwebes, inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang Bicol Region, MIMAROPA, Quezon, Northern Samar at Eastern Samar dahil sa LPA.
Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang posibleng maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malakas na pag-ulan o thunderstorms.