Nahaharap sa patong-patong na kaso ang aktor na si Ricardo Cepeda, kabilang umano ang 43 counts ng syndicated estafa na hindi raw bailable.

Bukod dito, may ilan pang kaso umano ang aktor na may kinalaman sa mga tumalbog na tseke.

Sa panayam ni Marisol Abdurahman ng "24 Oras" ng GMA Network sa aktor, ni sa hinagap ay hindi raw naisip ni Ricardo na maghihimas-rehas siya dahil sa mga kasong wala naman daw siyang kinalaman.

Habang nasa presinto nga ay binasahan pa siya ng iba pang pending warrant of arrest laban sa kaniya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dahil hindi bailable o hindi puwedeng piyansahan ang mga kasong kinahaharap niya, kasalukuyan pa ring nakapiit sa bilangguan si Ricardo.

Kuwento ng pulisya, nagulat din si Ricardo nang madakma siya sa Caloocan City noong Oktubre 8, kung saan dadalo pa naman sana siya sa isang ribbon-cutting ceremony.

Giit naman ng aktor, wala siyang kinalaman sa alinmang scam ng kompanyang inirereklamo dahil model lamang siya nito. Naniniwala umano siya na mapapawalang-sala siya sa mga demandang inihain laban sa kaniya.

Matatandaang ipinagtanggol ng kaniyang partner na si Marina Benipayo si Ricardo sa pamamagitan ng kaniyang TikTok video, at iginiit nitong hindi kailanman nasangkot sa kahit na anumang investment scam ang aktor.

Umapela rin ang stepson ni Ricardo na si Joshua De Sequera na "wrongly accused" ang kaniyang stepfather.

MAKI-BALITA: Stepson, dinepensahan si Ricardo Cepeda: ‘My father was wrongly accused!’

MAKI-BALITA: Ricardo Cepeda arestado dahil sa kasong syndicated estafa