Nagsalita na ang pamunuan ng National Museum of the Philippines sa naging usap-usapang yoga session sa harapan ng "Spoliarium" painting ni Juan Luna, sa Spoliarium Hall na mamatatagpuan sa National Museum of Fine Arts sa harapan ng Philippine Normal University sa Maynila.
Ayon sa panayam ng GMA News kay Director General Jeremy Barnes, ang kanilang yoga activities ay alinsunod sa inilunsad nilang "Yoga at the Museum" dahil kasalukuyang ipinagdiriwang ngayong Oktubre ang "Museum and Galleries Month," na nakabatay naman sa temang “Exhibits and Reflections: Crafting Opportunities for the New World.”
Dahil ang Oktubre ay nataon ding "Mental Health Awareness Month," naisipan daw nilang pagsamahin na ang dalawang gawain.
Naniniwala umano si Barnes na kailangang i-promote ang wellness at spirituality ng mga tao. Naisipan lamang nilang ilagay sa isang meaningful spot ang yoga session upang mai-promote na rin na ang mga museo gaya ng National Museum ay isa ring lugar para sa mental health at spiritual improvement.
Dahil "experimental" ito, nagulat sila nang mabasa na ang iba't ibang feedback ng mga tao.
Marami kasing nagsasabing tila kabastusan daw ito sa painting ni Luna, lalo't may sinusunod na dress code ang museo para sa mga turistang mamamasyal doon.
Isa pa, ang moist daw ng pawis ng mga nag-yoga ay baka makaapekto raw sa kalidad ng painting ng Spoliarium.
Ipinangako naman ni Barnes na naka-note ang mga feedback ng publiko tungkol sa yoga session na ito.
MAKI-BALITA: Yoga session sa harap ng ‘Spolarium’ sa National Museum, pinagtaasan ng kilay