Inamin ng komedyanteng si "Mosang" o Maria Alilia Bagio na aabot daw sa ₱100,000 ang kita ng kaniyang maliit na karinderya na nakapuwesto sa isang kalsada sa Quezon City.

Sa panayam kay Mosang ng "Pera Paraan" ni Susan Enriquez sa GMA Network, ang ideya ng pagkakarinderya ay nakuha ni Mosang sa kaniyang lola, na may negosyong karinderya noon na karamihan ng mga suki at parukyano ay jeepney driver.

Sinabi raw ni Mosang sa kaniyang sarili na kapag nagka-negosyo niya, gusto rin niyang isang kainan, dahil mahilig din siyang magluto.

Noong 2009 nga ay naipatayo ni Mosang ang kaniyang maliit na karinderya. 2011 nang magkaroon sila ng signature dish na "budbod."

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang signature dish nga ng kaniyang karinderya ay tinatawag na "budbod," isang fried rice na may piniritong maskara ng baboy at iba't ibang toppings, batay sa kagustuhan ng customer.

Ang toppings ay puwedeng itlog, tocino, longganisa, meatloaf, hotdog, tapa, at iba pa. Ang ideya ng budbod ay nagmula raw sa lalawigan ng Rizal.

Kahit maliit lang ang puwesto ay napupuno naman ito sa dagsa ng mga tao. Sa bawat araw daw ay nakakaubos sila ng isang sakong bigas at lagpas-dosenang itlog.

Bagama't ang kita sa pag-aartista ang ginamit niyang puhunan upang maipundar ang maliit na kainan, ito raw ang magsisilbing "fallback" niya kung sakaling hindi na siya kunin bilang artista.

Sa kasalukuyan, napapanood si Mosang sa longest-running family sitcom sa Kapuso Network, ang "Pepito Manaloto" kung saan gumaganap siya bilang kasambahay.