Ipagdiriwang ng Jesus Is Lord Church Worldwide (JILCW) ang kanilang ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag sa Oktubre 14, 2023, sa pangunguna ni Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) Party-list Rep. Eduardo "Bro. Eddie" Villanueva.
Magaganap ang nasabing selebrasyon sa Sabado, Oktubre 14, sa Luneta Grandstand sa Maynila, ganap na alas-tres ng hapon, at may temang: “Revival: Urgent Call to Action.”
Inaasahan na dadaluhan ito ng libu-libong JIL people mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Tatlong taon ding hindi naipagdiwang sa Luneta ang mga nagdaang anibersaryo ng JIL Church Worldwide dahil sa Covid-19 pandemic.
“Don’t miss this life-changing and nation-transforming event. COME AND EXPERIENCE THE MIRACULOUS!” saad ng JIL Church Worldwide sa kanilang imbitasyon na makikita sa kanilang social media accounts.
Matatandaang noong Setyembre 26, naglabas ng resolusyon ang Senado na binabati at pinupuri ang JIL Church Worldwide sa kanilang ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag sa Oktubre 29.
Ang Senate Resolution No. (SRN) 803 (Adopted Resolution No. 90) na inakda at inisponsoran ni Senador Sonny Angara, ay pinagkaisang inaprubahan ng mga miyembro ng kamara.
Kinikilala at binabati ng resolusyon ang JIL Church Worldwide sa kanilang “holistic ministry of salvation, healing, deliverance, and values formation and national transformation” sa pamamagitan ng “full gospel” ng Panginoong Hesukristo.
Ang JIL Church Worldwide ay itinatag noong 1978 bilang isang maliit ng Bible study group na binubuo ng 15 mag-aaral sa pamumuno ni Bro. Eddie at ng kaniyang yumaong asawa na si Sis. Dory Villanueva.
Ngayon ang JIL Church Worldwide ay lumawak na sa 82 probinsya rito sa Pilipinas at 70 bansa sa buong mundo.