Ilang Facebook account ng mga opisyal ng Simbahang Katolika ang na-hack at ginagamit umano upang makapanghingi ng tulong pinansiyal sa kanilang mga biktima.
Nabatid na kabilang sa mga FB accounts na na-hack ay ang kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, gayundin ang kina Father Rey Paglinawan at Sister Merial Bauzon, na kalihim ng obispo.
Nabiktima na rin umano ng hacking si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo at maging ang official Facebook page ng Kidapawan Diocese, gayundin ang Facebook page ng Diocese of Butuan.
Kaagad namang nagbabala ang Diocese of Cubao sa publiko hinggil sa naturang naganap na hacking incident.
Batay sa impormasyon, ginamit ng hacker ang personal messenger account ni Ongtioco upang humingi ng tulong pinansyal.
Kabilang sa mga nakatanggap ng mensahe si Radio Veritas Station Manager Riza Mendoza, kaya’t natuklasan ang naturang hacking incident.
Pinayuhan din ng diyosesis ang mga mamamayan na huwag na lamang pansinin ang anumang mensaheng matatanggap mula sa account ni Bishop Ongtioco.
"Please refrain from responding to them if they are asking for any monetary assistance. You may message us here for verification," pahayag ng Diocese of Cubao.
Samantala dahil sa sunod-sunod na hacking incident, hiniling ni Bagaforo, na siyang pangulo ng Caritas Philippines President, sa Senado na imbestigahan ang insidente at panagutin sa batas ang mga taong sangkot dito.
Umapela naman ang pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Pilipino na ipagbigay-alam sa kinauukulang tanggapan ng simbahan o mga diyosesis kung makatanggap ng kahina-hinalang mensahe mula sa social media accounts ng mga tanggapan at lingkod ng simbahan.