Naghihintay pa umano ang Department of Migrant Workers (DMW) ng safe window para tuluyang mailikas ang mga Pinoy na kasalukuyang naiipit sa giyerang nagaganap sa Israel.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, hindi pa napapanahon na magsagawa ng mass repatriation sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Israel.
Paliwanag niya, maselan pa ang sitwasyon ngayon sa naturang bansa kaya’t hindi pa aniya ligtas para magsagawa ng mass repatriation.
Tiniyak naman ni Cacdac na sa ngayon ay patuloy nilang minu-monitor ang sitwasyon sa Israel at naghihintay aniya sila ng safe window para mailikas ang ating mga kababayan.
Paniniguro pa niya, ang kanilang pondo at mga personnel ay nakaantabay na sa ngayon ngunit ang repatriation aniya ay isang mass effort kung saan ang mga Pinoy ay kinakailangang ibiyahe patungo sa mga paliparan.
Pinapayuhan din aniya ng pamahalaan ng Israel ang mga residente at mga dayuhan doon na manatili muna sa loob ng kanilang mga tahanan dahil magiging mas ligtas sila doon.
“Hindi pa ito yung tamang panahon na mag-mass repatriation... Maselan yung sitwasyon, hindi pa safe,” aniya pa, sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.
Una nang sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio na nakatanggap na sila ng 10 requests para sa repatriation.
Kaagad din naman umano nilang sisimulan ang paglilikas sa mga Pinoy sa sandaling makakuha na sila ng "full clearance" mula sa Israeli government at sa Department of Foreign Affairs (DFA).