Aabot sa 86 na diyosesis sa bansa ang inaasahang makikiisa sa “One Million Children Praying the Rosary” campaign ngayong taon.
Ayon sa Aid to the Church in Need-Philippines (ACN), ang intensiyon ng taunang kampanya ngayong taon ay iaalay nila sa pagkakaroon ng ganap na pagkakaisa at kapayapaan.
Anang ACN Philippines, nakatakdang idaos ang pandaigdigang gawain ng sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan sa Oktubre 18, 2023, sa Immaculate Conception Cathedral ng Diocese of Pasig at inaasahang pangungunahan ng mga mag-aaral mula sa Pasig Catholic College.
“The Philippine celebration of One Million Children Praying the Rosary will be held face-to-face! Join us on October 18 at 9 o'clock in the morning as we hold the main event at the Immaculate Conception Cathedral of the Roman Catholic Diocese of Pasig. We will be joined by the students of Pasig Catholic College,” paanyaya pa ng ACN Philippines.
Nabatid na makalipas ang tatlong taon mula nang maganap ang Covid-19 pandemic noong 2020 ay muli nang isasagawa ang One Million Children Praying the Rosary campaign ng face-to-face ngayong taon.
Layunin ng Worldwide Prayer Event na isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo mula sa iba't ibang panig ng mundo.
Hango ang pandaigdigang pagdarasal ng pontifical foundation ng Vatican sa mga pahayag ni Saint Padre Pio na "When one million children pray the rosary, the world will change."
Inilunsad ang One Million Children Praying the Rosary campaign sa Caracas, Venezuela noong taong 2005.
Umaabot sa mahigit 80-bansa ang taunang nakikibahagi sa malawakang pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo kabilang na ang Pilipinas nang inilunsad ang gawain sa bansa noong taong 2016.