Naaalala mo pa ba kung paano itinuro ng iyong guro noong nasa kindergarten ka pa lamang ang alpabetong Filipino? Gumamit din ba siya ng kanta at sayaw?

Pinusuan ng mga netizen ang viral video ng isang gurong si Teacher Gerry Rivas, guro ng kindergarten mula sa San Diego Elementary School, dahil sa nakaaaliw na pagtuturo ng alpabetong Filipino sa pamamagitan ng kantang "Alpabasa."

Maririnig naman sa video ang munting tinig ng mga bata na tila alam na alam at sanay na sanay na sa pag-awit nito, dahil tiyak na halos araw-araw nilang ginagawa sa klase kasama ni Teacher Gerry.

Mapapanood ito sa kaniyang Facebook reels na may caption na "Ang pagtuturo ng panimulang pagbasa ay nagsisimula sa pagtuturo ng mga tunog ng letra!"

Human-Interest

ALAMIN: May epekto ba ang kulay ng payong bilang proteksyon sa araw?

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Gerry mula sa Quezon City, natanong kung siya ba ang lumikha ng Alpabasa song.

"Hindi po. Ito ay isang reading program na binuo ng mga reading experts at ako po ang kasalukuyang host sa kanilang online platform," aniya.

Bakit mahalagang gawing pakanta ang pagtuturo ng alpabeto?

"Magandang training sa tainga ng mga bata ang pag-awit ng alpabeto. Madali nilang matututuhan ang mga letra at tunog nito dahil sa paulit-ulit na pagkanta. Kahit saan sila pumunta puwede nila itong kantahin maging sa loob ng bahay."

Kahit mahirap at nakakapagod daw ang pagtuturo sa preschool level, hindi naman daw nagsisisi ang guro sa propesyong kaniyang pinasok.

"Nagiging masaya ang pagtuturo sa mga bata kung gusto mo ang ginagawa mo at binibigyan mo ito ng pagpapahalaga. Laging magbaon ng masaya at makabuluhang gawain para sa mga bata. Mainam din kung alam natin bilang guro ang kanilang mga pangangailangan at mga interes para mas maibigay natin ang tulong na nararapat para sa kanila."

"Totoong nakakapagod at susubukin ang iyong pasensiya sa loob ng classroom, pero kaya n'yo rin itong gawin na isang masayang classroom kung maibibigay ng bawat guro ang pangangailangan ng bawat bata sa klase," aniya pa.

Si Teacher Gerry ay 13 taon nang nagtuturo sa kindergarten.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!