Iniulat ng Department of Health (DOH) na mula Oktubre 2 hanggang 8 ay nakapagtala pa sila ng 1,264 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa.

Batay sa National Covid-19 Case Bulletin na inilabas ng DOH nitong Martes, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 181.

Tio Moreno, nagpasaring kay Nicolas Torre III

Ito ay mas mataas ng 3% kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Setyembre 25 hanggang Oktubre 1.

Anang DOH, sa mga bagong kaso, 12 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Mayroon din namang naitalang anim pasyente na pumanaw kung saan isa ay naganap noong Setyembre 25 hanggang Oktubre 8.

Anang DOH, noong Oktubre 8, 2023, mayroong 272 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa Covid-19.

Sa 1,524 ICU beds naman para sa mga pasyenteng may Covid-19, 186 o 12.2% ang okupado habang nasa 2,296 o 18.4% naman ng 12,496 non-ICU Covid-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Kaugnay nito, patuloy na pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.

"Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster," anang DOH.