Excited na si Kapamilya leading man Daniel Padilla sa pagsisimula ng shooting ng kaniyang comeback movie na “Nang Mapagod si Kamatayan,” mula sa short story ni National Artist for Film and Broadcast Ricky Lee.
Sa panayam ni MJ Felipe ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Daniel nakatakda na silang magsimula ng shooting pagkatapos umano ng promotions ng “A Very Good Girl” movie ng girlfriend niyang si Kathryn Bernardo.
“Sobrang excited. Ang dami na naming draft na ginawa para sa script. Gusto naman nating pagandahin all the time lahat ng ginagawa natin,” saad ni Daniel.
Sa direksyon ni Dan Villegas, makakasama ni Daniel na bibida sa pelikula ang kaibigan niyang si Kapamilya actor Zanjoe Marudo.
Ang “Nang Mapagod si Kamatayan” ay isang maikling kuwentong kasama sa libro ni Ricky Lee na “Kung Alam Niyo Lang.”
Kaugnay nito, nag-post si Daniel sa kaniyang Instagram account nitong Lunes, Oktubre 9, ng text na “TITLE CARD: NANG MAPAGOD SI KAMATAYAN.”
Lalo naman itong nagpa-excite sa netizens, dahilan kaya’t naging trending topic ang #NangMapagodSiKamatayan sa X (dating Twitter).

Matatandaang inihayag kamakailan ni Daniel na ang “Nang Mapagod si Kamatayan” ay nagpapakita rin ng “beauty of life” at ng “beauty of death.”
“Nandoon ‘yung comedy. Pero ‘di siya slapstick na pagpapatawa. Nakakatawa ang buhay eh. Doon siya. ‘Di siya slapstick,” saad ni Daniel.
https://balita.net.ph/2023/04/28/daniel-padilla-bibida-sa-isang-movie-mula-sa-short-story-ni-national-artist-ricky-lee/